Balita

Patayin lahat ng fixers sa Customs—Digong

- Genalyn D. Kabiling

Iniutos ni Pangulong Duterte kay Bureau of Customs (BoC) Commission­er Rey Guerrero na “patayin” ang lahat ng fixers sa kawanihan upang tuluyan nang matuldukan ang kurapsiyon at smuggling sa ahensiya.

Sinabi ng Presidente na kinausap na niya ang bagong pinuno ng Customs, at binalaan ito na maging mapagmatya­g dahil nga talamak na ang kurapsiyon sa BoC.

“Sabi ko diyan ka, magdala ka ng sundalo. Patayin mo lahat ‘yang fixers diyan, kasi pati ikaw kakainin ka d’yan. Sabi ko ‘pag makita ninyo, barilin mo na, itapon mo sa dagat’,” sinabi ng Pangulo na bilin niya kay Guerrero.

Una nang inatasan ni Duterte ang militar na tulungan si Guerrero sa pagsugpo sa smuggling sa Customs, kasunod na rin ng pagpuslit ng bilyunbily­on pisong halaga ng shabu sa bansa.

Iginiit din ni Duterte na hindi labag sa batas ang pagtatalag­a niya ng militar sa anumang posisyon sa Customs.

Nasa floating status lamang, aniya, ang mga tauhan ng BoC na dawit sa katiwalian habang iniimbesti­gahan pa ang mga ito.

“Kaya sinarahan ko ‘yung Bureau of Customs, I am not appointing anybody. I am not designatin­g anybody. Alam—ano bang alam ng sundalo, ‘yung ledger o journal o resibo o trust agreements diyan?” ani Duterte.

Mahirap aniyang kumuha ng ebidensiya ng kurapsiyon, kaya tinanggal niya muna ang mga opisyal sa Customs at upang maimbestig­ahan ang mga ito.

“The only way na malaman ko talaga is alisin ko kayong lahat tapos bago ako mag-imbestiga. Noon ka na nandiyan kayo, sige nakaw, tapos sige ako maginvesti­gate,” sabi pa ni Duterte.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines