Tuloy sa pagpapaunlad ang General Santos City

Balita - - Opinyon - PNA

ISINUSULONG ngayon ng lokal na pamahalaan ng General Santos City sa South Cotabato ang pagkakaroon ng mga bagong growth zones na tutugon sa patuloy na lumalawak na sektor ng kalakalan at industriya sa lungsod at sa lumalago nitong populasyon.

Sinabi ni Vice Mayor Shirlyn Banas-Nograles nitong Biyernes na ang hakbanging ito ay nakaugnay sa isinasagawang rebisyon sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng lungsod at zoning ordinance, na huli pang na-update noong 2001.

Aniya, kasalukuyang nagsasagawa ng mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor hinggil sa bagong bersiyon ng CLUP, na binuo ng isang grupong teknikal na kinomisyon ng pamahalaang lungsod.

“We really need to update our land use plan and zoning ordinance to cope with the ongoing developments and address related challenges being faced by our city,” pahayag ni Nograles sa isang panayam sa radyo.

Target, aniya, nila na makumpleto ang konsultasyon at pinal na rebisyon sa susunod na buwan, upang maihain na ito sa konseho ng lungsod bago matapos ang taon.

Ang CLUP, na pinagtibay sa pamamagitan ng zoning ordinance, ay isang dokumento para sa pagpaplano na inihanda ng pamahalaang lungsod upang maipaliwanag ang alokasyon at tamang paggamit ng mga lupain.

Pakay nito ang paggamit ng mga pribado at pampublikong lupa upang makatugon sa “spatial organization of economic and social activities” sa hinaharap.

Dagdag pa niya, natukoy na rin nila ang mga lugar na nasa loob ng 26 na barangay ng lungsod na lantad sa banta ng mga kalamidad para sa paglalatag ng tamang solusyon.

Umaabot sa mahigit 53,000 ektarya ang orihinal na land area ng lungsod ngunit 49,000 ektarya lang ang nakatala sa Department of Budget and Management dahil sa nakabimbing alitan sa hangganan sa mga kalapit nitong lugar.

Pagbabahagi ng opisyal, kabilang sa mga problemang nais tugunan ng CLUP ang dumadaming mga subdibisyon, na ang ilan ay malapit sa mga sakahan.

Aniya, nagdudulot ito ng problema para sa mga nagbababuyan na inirereklamo ang mabahong amoy na nagmumula sa mga ito.

Kung bagong pamumuhunan ang pag-uusapan, sinabi ni Nograles na hindi masimulan ang isang mungkahing proyekto dahil sa mga problema sa lupa sa zoning ordinances.

“We need to identify and set in place new growth and industrial zones, and properly plan the development of our lands for years ahead. In other countries, they set even plans 50 years ahead,” ani Nograles.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.