Mamamahay na kaya sa kulungan ang dating First Lady?

Balita - - Opinyon - Clemen Bautista

HINATULAN ng Sandiganbayan Fifth Division na makulong nang 42 hanggang 77 taon ang dating First Lady ng bansa at ngayon ay Ilocos Norte 2nd District Representative Imelda Romualdez Marcos. Ang hatol ay ipinatupad matapos mapatunayan ng Sandiganbayan na guilty si Rep. Imelda sa pagkakaroon niya ng mga saving account noong presidente pa ng Pilipinas ang kanyang asawang si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Si Marcos ay nanungkulang pangulo at diktador sa loob ng 20 taon, pinatalsik sa kapangyarihan ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986 at napalayas sa Malacañang.

Pagkaraan ay nagtungo sa Hawaii, kasama ang kanyang pamilya at ilan niyang tuta na mga cabinet member. Nanirahan sa Hawaii at doon na namatay noong Setyembre 28, 1989. Bumilang ng maraming taon bago naibalik sa Pilipinas ang kanyang bangkay at lihim na inilibing sa Libingan ng mga Bayani. Wala nang nagawa ang mga militanteng grupo at iba pa nating kababayang matindi ang pagtutol.

Nang binasa ang sentensiya o hatol ay wala sa korte ang dating First Lady at ang kanyang abogado. Ganito ang nilalaman ng sentensiya sa dating first Lady: “Wherefore, judgment is hereby rendered finding the accused Imelda Marcos guilty beyond reasonable doubt for violation of R.A.No.3019 Section 3 (h)--whereby she is sentenced in each case to suffer an indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month, as minimum to 11 years, as maximum with perpetual disqualification from holding public office”. Ibig sabihin, ang dating First Lady ay makukulong nang anim na taon hanggang 11 taon sa bawat bilang ng pitong kasong graft na kinahaharap niya.

Kasabay ng iginawad na hatol sa dating Firts Lady, napawalangsala naman siya sa tatlo pang kaso ng graft o katiwalian dahil sa kawalan ng ebidensiya laban sa dating Unang Ginang. Bukod sa nasabing sentensiya o hatol, si Rep. Imelda ay na-disqualify o hindi na maaaring humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan. Ipinag-utos na rin ng Sandiganbayan ang paglalabas ng arrest warrant laban sa dating First Lady Imelda R. Marcos.

Dahil hindi dumalo sa korte ang dating First Lady at ang kanyang abogado, sila ay pinagpapaliwanag ng korte sa loob ng 30 araw.

Hinggil dito, halos nagkakaisa ng pahayag at tanong ang ating mga kababayan: Bakit ngayon lamang iginawad ang hatol? Bakit naging matagal ang sentensiya sa dating First Lady? Marami raw tayong kababayan, lalo na ang mga biktima ng Martial Law, na nangamatay at binawian ng buhay. Hindi na nila naabutan ang hatol sa dating First Lady. Usad-pagong daw talaga ang pagbibigay ng katarungan sa ating bansa.

Naitanong naman ng ibang nakarinig at nakaalam ng hatol: Mamamahay na kaya sa kulungan ang dating First Lady? O, kung makulong man ay VIP (very important prisoner) treatment naman?

Sa panahon ng diktadurya at rehimeng Marcos ay nalasing sa kapangyarihan ang dating First Lady at ang iba pang alipores-disipulo ng diktador. Sa pagsasamantala, marami ang nagsiyaman na halos nakahilata sa salapi. Nagkandautang-utang ang Pilipinas na hanggang ngayon ay hindi pa nababayaran. At ang sambayanang Pilipino ang nagdurusa sa pagbabayad.

May reaksiyon din ang Malacañang sa hatol sa dating First Lady. Ayon sa tambolero ng Malacañang: “Umiiral pa rin ang katarungan sa bansa. Iginagalang ng Palasyo ang desisyon ng anti-graft court.” Sabi pa ng tambolero ng Malacañang: “While we note there are still legal remedies available in Congresswoman Marcos, this latest development underscores that our country currently has a working and impartial justice system that favors no one”.

Ayon naman sa pahayag ng ilang Rizalenyo na nakausap ng inyong lingkod: “Dapat sana, nang bumagsak ang diktaduryang Marcos, ay nilitis at hinatulan na ang dating First Lady sapagkat sa panahon ng pagiging Pangulo ni Ferdinand Marcos, hindi maikakaila na nagkamal umano ito ng limpak na salapi at mga ari-arian. Walang nagawa ang mga biktima ng pang-aagaw ng lupa sa kamandag ng diktador.”

Isa sa hindi malilimot na ginawa ng diktadurya at rehimeng Marcos ay ang pag-agaw sa 12 mauunlad at mayayamang bayan sa Rizal. Nagawa ito sa pamamagitan ng isang Presidential Proclamation na nilagdaan ng diktador. Isinama ito sa binuong Metro Manila upang maging gobernadora si Imelda Marcos at magkaroon ng sariling poder at kapangyarihan.

Dahil dito ay naghirap ang lalawigan at nawala ang dating pagiging premiere province nito. Nangyari ang pag-agaw sa panahon ni dating Rizal Governor Isidro Rodriguez. Ang naging kapalit nito, ginawang Mayor ng Quezon City ang ginang ni dating Governor Rodriguez na si Gng. Adelina Rodriguez.

Mabuti na lamang at hindi nasiraan ng loob ang mga sumunod na mga lider at namuno sa Rizal na sina dating Gov. Casimiro “Ito” Ynares at Congressman Bibit Duavit. Sa kanilang pagtutulungan, maayos at matapat na pamamahala at sa suporta ng mga ibang lider at ng mamamayan, ang Rizal ay muling umunlad.

At sa pamamahala ngayon ni Gov. Nini Ynares, ang Rizal ang itinanghal na Most Competitive Province sa buong Pilipinas.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.