Kaguluhan, nakikinita kasunod ng midterm elections sa Amerika

Balita - - Opinyon -

ILANG araw ang nakalipas matapos ang midterm elections nitong Martes, ‘tila sasabak sa digmaang pulitikal ang Washington, DC, ngayong handa na ang House of Representatives, na kontrolado na ngayon ng oposisyong Democrats, na magsiyasat sa ilang isyung kinasasangkutan ni President Trump, na nagbabala naman ng “warlike posture” kapag tinangka siyang imbestigahan ng Democrats.

Nagtagumpay ang Democrats na makuha ang kontrol sa House of Representatives sa midterm elections, bagamat napanatili ng Republicans ni Trump ang kontrol sa Senado, na lalo pang pinalakas ang mayorya sa kapulungan.

Sa unang dalawang taon ng administrasyong Trump, nagawang pigilan ng Pangulo ang pagbusisi sa maraming isyu na kinasasangkutan niya at ng kanyang mga negosyo, lalo na dahil kontrolado ng kanyang mga Republicans ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Gayunman, nitong Martes, naagaw ng Democrats ang mahigit 30 puwesto mula sa Republicans, lampas sa 23 kinakailangan upang makuha ang mayorya.

Nagsisimula na sila ngayong kumilos—sa pamamagitan ng House Oversight Committee, House Judiciary Committee, at House Intelligence Committee—upang masilip ang tax returns ni Trump, na hindi niya kailanman isiniwalat noong panahon ng kampanya, silipin ang mga posibleng banggaan ng interes mula sa kanyang mga negosyo, at ang umano’y sabwatan sa pagitan ng Russia at ng campaign team ni Trump noong 2016.

Matagal nang iniimbestigahan ni Special Counsel Robert Mueller ang umano’y pangingialam ng Russia sa halalan, isang imbestigasyong mariing kinokondena ni Trump bilang “witch hunt”. Ngayo’y inaasahang tatanggapin ng House judiciary Committee ang anumang hakbangin upang patalsikin si Trump na susuporta sa kaso ng imbestigasyon ni Mueller sa pakikipagsabwatan ng kampanya ni Trump sa Russia.

Isang araw matapos ang eleksiyon, pinagbitiw ng US president sa tungkulin ang kanyang attorney general at inaasahan ang iba pang resignation. Nakasagutan din ni Trump ang isang mamamahayag sa White House, na pinatawan na rin ng ban. At isang araw pa lang ang nakalipas matapos ang halalan.

Sa susunod na dalawang taon, hahangarin ng Republicans na mapatatag ang kanilang puwersa sa paglulunsad ni President Trump ng kanyang kampanya upang muling mahalal sa 2020. Sa kanyang unang dalawang taon sa panunungkulan, nagawa niyang mailayo ang Amerika mula sa mga dati nitong kaalyado, tulad ng Canada at Europa, at naglunsad pa ng trade war sa China.

Hindi pa nasasangkot ang Pilipinas sa anumang hakbangin ni President Trump at sa pakikipagalitan nito sa maraming bansa, ngunit patuloy tayong nakatutok sa mga kaganapan sa Amerika bilang isa sa pinakamalalapit na kaalyado nito sa Asya at upang matukoy ang mga aral na posibleng makuha sa katatapos na eleksiyon sa Amerika na maaari nating magamit sa pagpapaunlad ng pulitika sa ating bansa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.