BTS, ‘di na tuloy sa Japanese music program

Balita - - Showbiz - Ni JONATHAN HICAP

IPINAGPALIBAN ng isang Japanese TV music program ang appearance ng

BTS, isang K-pop superstars, sa kanilang programa na nakatakda sanang ganapin noong Biyernes (Nobyembre 9) dahil sa nakasulat na T-shirt na isinuot ng isa sa mga miyembro ng banda.

Inihayag ng BTS nitong Nobyembre 2 na lalabas nga sila sa Music Station program ng TV Asahi, na umeere tuwing Biyernes ganap na 8:00 ng gabi.

Gayunman, nitong Huwebes ng gabi, nag-isyu ang TV Asahi ng statement para sabihing hindi na matutuloy ang performance ng BTS sa TV show.

“The t-shirt worn by a BTS member has caused a stir. We asked about the intention of the clothing worn and discussions with the agency were in progress. It is regrettable, but it has been decided to postpone this performance,” pahayag ng TV station, ayon sa MWave.

Ang tinutukoy nito ay ang t-shirt na isinuot ng BTS member na si Jimin, na may nakasulat na “Patriotism OurHistory Liberation Korea” at mayroon din itong dalawang larawan kabilang ang atomic bombing ng Nagasaki sa Japan noong Agosto 9, 1945. Ang atomic bombing photo sa t-shirt ay naging kontrobersyal sa Japan.

Nag-post din ang Big Hit Entertainment, ang agency ng BTS, sa BTS Japan fan club website para sabihing “BTS was set to appear on the November 9 broadcast of TV Asahi’s music program ‘Music Station,’ however it has been decided to be postponed. To fans who were anticipating their appearance, we would like to give an apology as we bear this disappointing news.”

Ang pagpapaliban na ito ay naganap bago pa man ang nakatakdang concert ng BTS sa Japan. Dadalhin ng boy band ang kanilang Love Yourself world tour sa Tokyo sa Nobyembre 13 at 14 na susundan ng Osaka sa Nobyembre 21, 23 at 24. Magkakaroon din sila ng concert sa Nagoya at Fukuoka sa Enero at Pebrero.

BTS

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.