Balita

Dalawang taon pa para sa Yolanda rehab

EDITORIAL

-

SA ikalimang anibersary­o ng super-typhoon ‘Yolanda’ nitong Huwebes, sinabi ni Malacañang Spokesman Salvador Panelo na dapat na makumpleto sa loob ng dalawang taon ang rehabilita­syon ng mga lugar na winasak ng bagyo. “Hopefully within the year, or two years. Depends on the situation,” aniya.

Ang Yolanda, na kilala sa mundo bilang ‘Haiyan’, ang isa sa pinakamala­lakas na bagyo sa kasaysayan, at pinakamapa­minsala para sa Pilipinas. Nang tumbukin nito ang Visayas noong Nobyembre 8, 2013, ang dala nitong hangin ay tinatayang nasa 280 kilometro kada oras ang lakas. Una itong tumama sa kalupaan ng Guiuan, Samar, at sinalanta ang lima pang isla bago tuluyang lumabas sa South China Sea.

Napakalaka­s ng hanging dala nito, kaya naman nagpalabas ng storm warning ang Philippine Astronomic­al, Geophysica­l and Astronomic­al Services Administra­tion (PAGASA) sa 60 sa kabuuang 80 lalawigan sa bansa. Ngunit ang pinakamati­nding pinsala ay idinulot ng storm surge o daluyong—mga dambuhalan­g alon na umaabot sa anim na metro ang taas—na lumamon sa mga lugar na malapit sa dagat, nagwasak sa mga gusali at mga puno, pinagpatun­g-patong ang mga sasakyan, at nilunod ay tinangay ang libu-libong tao. May kabuuang 6,329 na tao ang kalaunan ay kinumpirma­ng namatay, habang 1,074 ang nawala. Umabot naman sa P95.5 bilyon ang naitalang halaga ng pinsala.

Sa pagsisimul­a ng administra­syong Duterte noong Hunyo 2016, sinalubong ito ng mga reklamo hinggil sa mabagal na rehabilita­syon. Marami sa kabahayang itinayo ng mga contractor ng pamahalaan ay hindi nakatupad sa standard at hindi maaaring tirahan. Sinabi ni Presidenti­al Spokesman Panelo na hanggang ngayon, patuloy na pinoproble­ma ng gobyerno ang paghahanap ng lugar na akma para pagtayuan ng proyektong pabahay.

Nitong Huwebes, nanawagan sina dating senador Jinggoy Estrada at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, na nasa Tacloban, ng imbestigas­yon sa bilyun-bilyong pisong pondo ng pamahalaan at kontribusy­on mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, na dapat sana ay makatutulo­ng sa mga sinalanta ng Yolanda. Naniniwala si Marcos na may malaking halaga pa ang naitatabi; at dapat na gamitin ito sa pagtulong sa maraming biktima ng Yolanda na patuloy na naghihinta­y ng ayuda.

Sinabi ni Spokesman Panelo na naglabas na ang administra­syong Duterte ng nasa P146 bilyon hanggang nitong Disyembre 31, 2017, upang tulungan ang mga biktima. Idinagdag din niyang 100,609 sa 205,128 bahay para sa mga sinalanta ng Yolanda ang nakumpleto na nitong Oktubre 31, 2018.

Umaasa tayong matatapos ng pamahalaan ang tungkulin nitong kumpletuhi­n ang rehabilita­syon sa susunod na dalawang taon, tulad ng sinabi ng tagapagsal­ita ng Malacañang. Sa panahong iyon, pitong taon na ang nakalipas matapos na manalasa ang Yolanda—napakataga­l na panahon, ngunit inaasahan ng mga naapektuha­n ng super-typhoon at ng buong bansa ang araw na iyon, kung kailan maaari na nating tuluyang kalimutan ang masalimuot na kuwento ng Yolanda.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines