Balita

Milagro sa paglipol ng mga kabulukan

- Celo Lagmay

NANG halos pasigaw na iutos ni Pangulong Duterte na ‘Kill all fixers at the Bureau of Customs (BoC)’, gusto kong maniwala na talagang umabot na sa sukdulan ang kanyang pagkagalit sa talamak na katiwalian sa naturang ahensiya ng

gobyerno; kaakibat ito ng iba pang mga kabulukan sa pamamahala na dantaon nang hindi maaksiyuna­n ng nakalipas at maging ng kasalukuya­ng mga administra­syon.

Gusto ko ring paniwalaan na ang naturang direktiba ng Pangulo ay silakbo lamang ng kanyang damdamin at may himig pagbibiro. Natitiyak ko na nais lamang niyang lipulin ang kurapsiyon na laging gumigiyagi­s sa lahat halos ng tanggapan ng pamahalaan. Hindi lamang BoC ang pinamumuga­ran ng mga mangunguli­mbat, gahaman sa salapi na hindi nila pinagpawis­an, nabubuhay sa pangingiki­l at mistulang pagnanakaw; maging sa Bureau of

Internal Revenue (BIR), Bureau of Immigratio­n (BI) at mga Government­Owned and Controlled Corporatio­ns ay talamak din ang mga tiwali.

Nais ko ring maniwala na sumagad na rin ang panggagala­iti ni BoC Commission­er Rey Guerrero sa patuloy na pamamayagp­ag ng mga pasaway sa BoC. Bagamat hindi pa siya halos nag-iinit sa panunungku­lan, hindi niya napigilang ibulalas: “Hindi naman ninyo madadala sa libingan ‘yan.” Maliwanag na ang kanyang tinutukoy ay mga salapi na produkto ng pagsasaman­tala ng ilang tauhan ng naturang tanggapan; biyaya na katumbas ng kanilang pagsawsaw sa bilyun-bilyong pisong halaga ng

mga kontraband­o na ipinupusli­t sa naturang tanggapan.

Ang nasabing pahiwatig ni Guerrero ay bunsod ng matinding utos sa kanya ng Pangulo kaugnay ng pagpuksa ng mga katiwalian sa BoC – isang problema na walang kalutasan hanggang ngayon. Ito ang natitiyak kong pagtutuuna­n ng pansin ng bagong pamunuan. Magiging katuwang niya rito, sa aking pagkakaala­m, ang kanyang mga mistah o kapuwa kadete sa Philippine Military Academy – at mga sundalo na nauna nang inatasan ng Pangulo sa paglipol ng mga alingasnga­s at pagsasaman­tala sa nabanggit na tanggapan.

Hindi ba maging si Senador Dick Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ay minsan na ring nanggalait­i sa graft and corruption sa BoC? Kaugnay ito nang kanyang iutos ang detention o pagpapakul­ong kay dating BoC Commission­er Faeldon na inimbestig­ahan sa sinasabing milyunmily­ong ‘tara’ na bunsod ng umano’y pagpupusli­t ng bilyun-bilyong pisong illegal drugs.

Sa kabila ng gayong nakadidism­ayang mga pangyayari, gusto kong makiisa sa pananaw ng Pangulo: Milagro na lamang ang ating hihintayin upang ganap na malutas ang mga katiwalian sa BoC at sa iba pang tanggapan ng gobyerno.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines