Balita

Pakinggan ang mga nais nilang sabihin

-

HINDI maaaring balewalain ang anumang posibilida­d ng kasunduan na maaaring makamit para matuldukan na ang 50-taong rebelyon ng Communist Party of the Philippine­s (CPP) at ng New People’s Army (NPA) nito. Kaya naman patuloy tayong umaasa sa nakatakdan­g pagpupulon­g sa pagitan nina Pangulong Duterte at National Democratic Front (NDF) chief negotiator Fidel Agcaolli at senior adviser Luis Jalandoni.

Tulad ng inaasahan, pinaghihin­alaan ng Armed Forces of the Philippine­s (AFP) ang bagong hakbanging ito ng NDF, na nakumpirma matapos ang pagkakadak­ip kamakailan kay Vicente Ladlad, miyembro ng CPP Central Committee at pinuno ng United Front Commission nito. Duda ang mga opisyal ng AFP hinggil sa alok nina Agcaoili at Jalandoni na umuwi sa Maynila mula sa Europa kung saan sila naniniraha­n kasama si Jose Ma. Sison, ang founding chairman ng CPP.

Sa simula ng kanyang administra­syon noong 2016, kaagad na sinimulan ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapaya­paan sa Oslo, Norway, kasama si Sison, na naging tagapayo niya noong estudyante pa siya sa Lyceum of the Philippine­s. Umaasa siya na magkakaroo­n sila ng kasunduan at tunay namang malaking pagsulong ang nakamit ng mga negosyador sa reporma ng lipunan ng Pilipinas at pamahalaan sa mga sumunod na pagpupulon­g.

Nahinto ang usapan noong Nobyembre, 2017, dahil sa maraming rason, kabilang ang patuloy na bakbakan dahil sa kawalan ng pinagkasun­duang tigil-putukan at ang mga kondisyong pulitikal ng CPP, na ayon sa Pangulo ay hindi niya mapagbibig­yan. Wala nang magaganap na anumang pulong sa ibang bansa, aniya. Nanawagan siya kay Sison noong Abril, 2018, na bumalik sa Pilipinas, kasabay ng pagtiyak sa kaligtasan nito, kung nais talaga nitong ipagpatulo­y ang usapan sa loob ng 60 araw.

Wala nang nabalitaan tungkol sa CPP hanggang sa nag-alok nga kamakailan sina Agcaoili at Jalandoni na umuwi sa Pilipinas. Maaari silang maaresto at ikulong, tulad ni Ladlad at ng iba pang opisyal ng CPP. Ngunit mas makabubuti kung pakikingga­n muna ni Pangulong Duterte ang nais nilang sabihin.

Nagpapatul­oy ang mga engkuwentr­o hanggang ngayon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng NPA sa ilang liblib na lugar sa bansa, habang ‘tila humupa na ang mga pakikipagb­akbakan sa mga mandirigma­ng Moro sa implementa­syon ng bagong Bangsamoro Autonomous Region sa Mindanao.

Malinaw para kina Agcaoili at Jalandoni kung ano ang tinanggiha­n na ni Pangulong Duterte; baka sakaling may mga bago silang nais na ipahayag, maaaring isang ideya o mungkahi o kasunduan. Isang bagay na maaaring magbigay-daan sa kapayapaan na naging mailap para sa bansa sa nakalipas na maraming taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines