Ang pista ni San Clemente sa Angono
(Unang Bahagi)
ISA sa mga bayan sa Rizal na nasa dakong Silangan ng lalawigan ay ang Angono. Ang kabayanan nito ay nasa pagitan ng mga bundok at ng Laguna de Bay na noong dekada ‘60 hanggang dekada ‘80 ay pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mangingisda. Ang mga mamamayan sa Angono ay kilala sa pagiging masipag, mababang-loob, matatalino, may loob sa Diyos at may mga pangarap na patuloy na
umunlad. At higit sa lahat, matapat at matibay ang pagpapahalaga sa kanilang namanang mga tradisyon at kultura. Sa Angono, Rizal isinilang ang dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro at iba pang mamamayan at mga kabataan na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan.
Sa mga tradisyong pambayan na hindi nalilimot at patuloy na binibigyan ng pagpapahalaga ng mga taga-Angono ay ang masaya, makulay at makahulugang pista ni San Clemente. Ito rin ang kanilang pista ng bayan na magkasabay na ipinagdiriwang tuwing sasapit ang ika-23 ng Nobyembre. Ang Pista ni San Clemente sa Angono ay nasa kalendaryo ng Department of Tourism (DoTr) at isa sa mga tourist destination sa lalawigan ng Rizal.
Sa Pista ni San Clemente sa Angono, makikita at madarama ang diwa ng pagkaklaisa at ang pagkakaroon ng “community spirit” ng mga mamamayan. May krisis man ang panahon sa kabuhayan o wala, ang pagpapahalaga at pagbuhay sa mga minanang tradisyon at kultura ng mga taga-Angono ay hindi nagbabago. Bagamat walang maluhong mga paghahanda, ang mga tampok na bahagi ng kapistahan ay binibigyang-buhay. Ang bawat barangay, bago pa man sumapit ang kapistahan ay may inihanda nang magiging handog o bahagi sa pagdiriwang ng pista.
Sa Barangay Poblacion Itaas at Bgy. Poblacion Ibaba, kapansinpansin na bago pa man magsimula ang siyam na gabing NobenaMisa para kay San Clemente mula Nobyembre 14 ay makikita na ang
mga nakatayong “endramada” o dalawang kawayan na nakatayo sa kalsada sa harap ng mga bahay.
Sa dulo ng dalawang “endramada” ay nakakabit ang tigisang bandilang kulay-pula. May pahalang na kawayan sa pagitan ng “endramada” at may mga palawit at dekorasyon na mga parol, mga Chirtsmas decoration, mga lambat ng kitid na gamit sa pangingisda at iba pang palamuti na nagpapakita ng simbolo ng hanapbuhay ng may-ari ng bahay na nagtayo ng “endramada”. Sa gabi, nagliliwanag at nagniningning ang mga Christmas lights. Ang iba’y dumilat-pumikit ang naghahabulang iba’t ibang kulay ng mga liwanag. Bahagi rin ito ng palamuti o dekorasyon sa pahalang na kawayan ng “endramada”. May mga nakasabit ding mga maliliit na bilao at mga tarpaulin na
may larawan ni San Clemente at nakasulat ang mga salitang “Viva San Clemente!”
Sa ibang mga barangay ay nagtatayo naman ng mga buho na may palamuting mga maliit na bandilang kulay pula, dilaw at puti. Ang mga buho na may bandila sa dulo ay itinatayo sa bakod ng mga bahay sa bawat barangay. At sa boundary ng barangay ay may itinayong arkong kawayan.
May mga barangay din na bumuo ng pangkat ng mga “parehadorta” o mga batang babae na kalagitnaan pa lamang ng Oktubre ay nagsisimula nang mag-practice ng kanilang pagmamamartsa na kasaliw na pukpok ng tambol. Kapag malapit na ang Pista ni San Clemente, ang kanilang ensayo ng pagmamartsa ay may kasama nang tugtog ng banda ng musiko.