Balita

Wanted sa kidnapping, robbery, tinepok

- Mary Ann Santiago

Patay ang isang drug suspect, na wanted sa iba’t ibang kaso, kabilang ang kidnapping at robbery, matapos umanong manlaban sa buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Namayan, Mandaluyon­g City, nabatid kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Crispulo Moreno, 33, ng J.P. Rizal Street, Bgy. Namayan.

Batay sa ulat, dakong 12:30 ng umaga nang magkasa ng buybust operation ang pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcemen­t Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD)Sta. Ana Police Station, at Mandaluyon­g City Police, sa bahay ng suspek.

Kasabay ng buy-bust operation ay sisilbihan din sana ng mga pulis ang suspek ng apat na warrant of arrest para sa mga kasong kidnapping for ransom, robbery, paglabag sa Republic Act 7166 at physical injury.

Gayunman, bago pa naisagawa ang transaksiy­on ay napuna umano ng suspek ang presensiya ng mga pulis sa paligid ng kanyang bahay, kaya nagbunot umano siya ng baril at pinaputuka­n umano ang mga operatiba.

Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isinugod pa ng mga pulis ang suspek sa Sta. Ana Hospital, ngunit wala na itong buhay.

Nakumpiska umano mula kay Moreno ang apat na pakete ng shabu, 10 cartridge ng .40 caliber na baril, 24 na cartridge ng .38 caliber revolver, 57 cartridge ng .45 caliber pistol, isang .9mm caliber Tanfogllo pistol, isang magazine, dalawang cartridge ng .9mm, at tatlong fired cartridge nito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines