Balita

Retired Army, huli sa panunutok ng baril

- Bella Gamotea

Nalagay sa balag na alanganin ang isang retiradong tauhan ng Philippine Army (PA) makaraang walang habas na magpaputok umano ng baril at manutok sa isang grupo ng nag-iinuman, sa Makati City, nitong Linggo ng gabi.

Nasa kustodiya ng Makati City Police at iniimbesti­gahan si Lazaro Fang y Crisanto, 65, may asawa, retired officer ng PA, at taga-Barangay Southside, Makati.

Nahaharap si Fang sa illegal possession of firearms at grave threat.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente sa Dado Street sa Wild Cat Village, Bgy. Southside, dakong 10:45 ng gabi.

Nakatangga­p ng tawag ang Police Community Precinct (PCP)-10 mula sa isang concerned citizen kaugnay ng umano’y pagpapaput­ok at panunutok ng baril ng suspek sa lugar.

Sa pagrespond­e ng mga pulis, kasama ang Bantay Bayan, nilapitan sila ng isang Regie Batuigas at itinuro ang isang lalaki na nanutok umano sa kanilang grupo habang nag-iinuman sila.

Nilapitan umano ng suspek at pinagsabih­an ang grupo ni Batuigas na huwag masyadong maingay, na nauwi sa panunutok ng baril ni Fang.

Naabutan naman ng awtoridad si Fang habang nakasukbit ang baril sa kanyang beywang, at nabigo siyang magpakita ng LTOPF registrati­on at permit to carry outside residence, kaya inaresto siya.

Nasamsam mula sa suspek ang isang .45 caliber Armscor na may limang bala at isang magazine.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines