Pagpapalaya mula sa kahirapan
MGA Kapanalig, lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS na tinatayang kalahati ng populasyon ng pamilyang Pilipino (o 12 milyong pamilya) ang itinuturing ang kanilang sarili bilang “mahirap.” Walong porsiyento sa kanila o halos isang milyong pamilya ang tinatawag na “new poor” o mga pamilyang hindi itinuturing ang kanilang sarili na mahirap nitong huling apat na taon ngunit nagsabing mahirap na sila ngayon.
Hindi na nakagugulat ang naging resulta ng survey sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino. Isa rito ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nitong Oktubre, pumalo sa 6.7% ang infation rate. Mas mataas ang inflation rate sa mahihirap na rehiyon katulad ng Bicol na nagtala ng inflation rate na 9.9%. Sa Zamboanga Peninsula naman, umabot sa P70 kada kilo ang presyo ng bigas sa maraming pamilihan sa Zamboanga City noong Setyembre. Kaugnay ng isyung ito ang kakarampot na halagang naiuuwi ng mga manggagawa. Sa Metro Manila, naglalaro sa P500 ang daily minimum wage, habang kulang-kulang P300 naman sa Bicol, at mahigit P300 sa Zamboanga Peninsula.
Anu-ano lamang ang mabibili ng mga ordinaryong manggagawa kung ganito kaliit ang naiuuwi nila para sa kanilang pamilya? Mas malaking kalbaryo ito para sa mga kumikita nang mas mababa sa minimum wage at sa mga walang tuluy-tuloy na hanapbuhay.
Ilan lamang ito sa mga idinadaing ng mahihirap nating kababayan. Naririnig ba natin sila?
Ginunita natin sa Simbahan noong Linggo, Nobyembre 18, ang ikalawang World Day of the Poor. Umikot ang mensahe ni Pope Francis para sa araw na ito sa Mga Awit 34:6: “Ang abáng taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya’y nakinig, at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.”
May tatlong bahagi sa binasa nating berso na makatutulong sa ating mga Kristiyano na kaharapin ang problema ng kahirapan sa ating bayan.
Una, ang pagdaing o pagtangis ng mga dukha. Hindi mailalarawan ng salitang “kahirapan” ang lahat ng pasakit sa buhay na dinaranas ng mga dukha—ang kumakalam nilang sikmura, hindi makataong trabaho at mababang pasahod, kawalan ng disenteng tirahan, at kawalan ng edukasyon ng mga bata at ng kakayanang makapagpagamot kapag may sakit. Pagmasdan natin ang ating paligid: Anu-ano ang mga idinadaing ng mahihirap nating kababayan?
Ikalawa, ang pakikinig ng Panginoon. Hinihimok tayo ng Santo Papa sa kanyang mensahe na tanungin natin ang ating mga sarili: Naririnig ba natin ang mahihirap gaya ng pakikinig ng Diyos sa kanila? Mapakikinggan natin sila kung ang Simbahang kinabibilangan natin ay isang Simbahan ng mahihirap, “a Church of the poor.”
Ikatlo, ang pagliligtas ng Panginoon. Tumutukoy ito sa pagtugon natin sa daing ng mga dukha, at kung kumikilos tayo para at kasama ng mahihirap, nakikibahagi tayo sa pagliligtas ng Panginoon sa kanila mula sa kanilang mga ligalig. Ngunit hindi sapat ang manaka-nakang pagkakawanggawa; katagpuin natin ang mga dukha sa kanilang kalagayan at kumilos kasama sila upang ibalik at buuing muli ang kanilang dignidad. Sa ganitong paraan, nakalalaya sila mula sa tanikala ng kahirapan.
Ganito rin ang sinasabi sa Evangelii Gaudium: “Ang bawat Kristiyanong indibidwal at komunidad ay tinatawag na maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaya at pagtataguyod sa mahihirap... At hinihingi nitong magkaroon tayo ng kababaang-loob ngunit nakikinig sa daing ng mga mahihirap at masigasig sa pagaabot ng tulong sa kanila.”
Mga Kapanalig, malaki ang tungkulin ng pamahalaan sa pagtugon sa problema ng kahirapan sa ating bansa, kaya’t marapat lamang na tiyakin nating tunay na kumikilos ang ating mga lider. Ngunit sa huli, ang pagpapalaya sa ating kapwa mula sa kanilang kahirapan ay pananagutan ng bawat Kristiyano.
Sabi nga sa awitin, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang… Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.”
Sumainyo ang katotohanan.