Pagdiriwang ng Kapistahan ng Kristong Hari
SA kalendaryo ng Simbahang Katoliko, ang huling Linggo ng liturgical calendar kung buwan ng Nobyembre ay iniuukol sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kristong Hari—ang araw na itinakda ng Simbahan bilang paggunita sa kataas-taasang kapangyarihan ni Kristo sa lahat ng nilalang ng Dakilang Diyos.
Ngayong araw na ito ng Linggo, bahagi ng pagdiriwang ang pagdaraos ng misa sa mga simbahan sa mga bayan sa iba’t ibang parokya ng mga Diyosesis sa mga bayan at lalawigan. May pag-aalay din ng mga panalangin upang pasalamatan at dakilain si Kristo bilang Hari, Panginoon ng mga Panginoon at Hari ng pag-ibig, katarungan at kapangyarihan.
Bahagi rin ng pagdiriwang sa mga simbahan sa mga parokya ang “exposition” ng Blessed Sacrament na susundan ng pagtatanod ng mga mananampalataya at ng iba’t ibang religious organization sa parokya. May kanya-kanyang itinakdang oras ng pagtatanod sa Blessed Sacrament.
Ang pagdiriwang ay sagisag ni Jesus bilang Hari, Mesiyas at pinakamakapangyarihan na hindi nanlulupig ng mga haring sekular. Sa aklat ng mga Hebreo, ang Kapistahan ng Kristong Hari ay ang paglalarawan ng pagdating ng Messiah o Manunubos. Ang mga propeta rin ang nagsabi na ang magiging hari ay nasa lipi ni David. At ang Dakilang Mesiyas ang Siyang maghahari sa sandaigdigan.
Noong unang Milenyo, ang imahe ni Kristo bilang Hari ay kinilala matapos na manalig ng mga Emperador Romano kay Kristo. Ang mga Griyego naman ay pinag-ibayo ang pagkilala kay Kristo sa pamamagitan ng masining o artistikong larawan o imahen ni Kristo na isang “Pantocrator” o tagapag-utos ng buong mundo.
Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay binigyan ng pagkilala ni Pope Pius XI noong Disyembre 1, 1925 na may layunin na mahadlangan ang paglaganap ng atheism sa daigdig at ang pag-usbong ng mga gobyernong walang kinikilalang Diyos. Sa France, ang Kapistahan ng Kristong Hari ay pagpapakita ng kanilang pagkakaisa laban sa mga antiKristo.
Ayon sa kasaysayan, ang bansag na “Hari” ng mga Hudyo na isinulat sa kapirasong plakard at isinabit sa itaas ng krus habang si Kristo’y nakapako, ay nangangahulugan ng pangungutya o panlalait. Isang paghamak hindi lamang kay Kristo kundi sa kabuuan ng bansang Hudyo. Gayuman, sa kabila ng nasabing layunin, ang taguring “Hari “sa isang taong naghihirap sa pagkakapako sa krus ay karapatdapat sapagkat si Kristo ay Hari na noon hanggang sa ngayon. Isinilang Siyang Hari sa lahat ng panahon--ang Bugtong na Anak ng walang hanggang Hari ng sanlibutan.
Kung sa ibabaw ng lupa ay nararapat na tawaging hari, bukod sa Diyos Ama, ito ay ang Kanyang Anak na naging tao at lalong nakilala sa tawag na Hesus ng Nazareth. Isang tunay na Hari sa pangalan at katotohanan. Ngunit ang Kanyang Kaharian ay hindi tulad ng pananakop sa daigdig na ito. Ang Kanyang kaharian ay nasa puso ng mga tao. At ang mga nagmamhal at nagtitiwala sa Kanya ay maaaring kabilang dito.
Sa pagdiriwang naman ng mga Pilipino sa Kapistahan ng Kristong Hari, kaugnay nito ang pananagutan sa pakikipaglaban sa mahalagang pagbabago ng isang tao at ng sistemang panlipunan. Kabilang din dito ang paghahangad ng pagbabagong-buhay tungo sa pagkakaisa at mabuting hangarin sa kapwa.