Balita

Order of Lapu-Lapu sa 23 sugatang sundalo

- Genalyn Kabiling at Beth Camia

Pinarangal­an ni Pangulong Duterte ang 23 sundalong nasugatan sa pakikipags­agupa ng mga ito sa Abu Sayyaf Group (ASG), kamakailan.

Sa kanyang pagbisita sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City nitong Sabado ng gabi, binigyang-pagkilala ng Pangulo ang nasabing mga sundalo kasabay ng pagbibigay sa kanila ng award—ang Order of Lapu-Lapu award with rank of Kampilan.

Kabilang sa pinarangal­an sina 2Lt. Michael Vincent Benito, S/Sgt. Rex Cureg, Sgt. Romeo Barbon, Sgt. Jerson Barasi, Sgt. Reynante Ruma, Cpl. Geneus Calamlam, Cpl. Bingbong Salvador, Cpl. Felix Jay Castillo, Cpl. Denver Lambino, Cpl. Eugene Corpuz, Pfc. London Longawis, Pfc. Aldrin Paj-Dio, Pfc. Kriel Manaligod, Pfc. Jordan Magundayao, Pfc. Ruben Bulayang, Pfc. Harvie Soriano, Pfc. Marnel Piduana, Pfc. Sandoval Ludivico, Pfc. John Paul Layugan, Pfc. Gevil Lorenzo, Pvt. Jayferson Balac, Pvt. Jaime Boco, Jr., at Pvt. Rizalde Tierro.

Iginagawad ang Order of Lapu-lapu sa mga taong nasa gobyerno o pribadong sektor na nagpakita ng kanilang extraordin­ary service o ambag sa ikatatagum­pay ng kampanya o adbokasiya ng Punong Ehekutibo.

Ang Kampilan Medal ay ibinigay sa mga malubhang nasugatan, na kanilang natamo sa paglupig sa mga kalaban ng bayan.

Bukod sa medalya, binigyan din ng Pangulo ang mga sundalo ng mga bagong baril at ayudang pinansiyal.

Matatandaa­ng limang sundalo ang nasawi sa nasabing engkuwentr­o sa Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu, nitong Nobyembre 16.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines