Balita

5,000 napatay sa 27-buwang drug war—PNP

- Martin A. Sadongdong

May kabuuang 4,999 na drug suspect ang napatay sa 27 buwan ng malawakang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, ayon sa datos na inilabas sa #RealNumber­sPH forum sa Philippine National Police (PNP) headquarte­rs sa Camp Crame, Quezon City kahapon.

Ang datos ay nagmula sa Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA), ang ahensiyang namumuno sa drug war operation, at naitala simula noong Hulyo 1, 2016 hanggang Oktubre 31, 2018, ayon kay PDEA Director Derrick Carreon.

Ipinakikit­a ng datos na 51 suspek ang napatay sa nakalipas na buwan, at dumagdag sa kabuuang 4,948 na naitala noong Setyembre 31, 2018.

Inamin naman ni PNP spokespers­on, Chief Supt. Benigno Durana Jr., na nasa 26,000 hanggang 30,000 deaths under investigat­ion (DUIs) ang iniimbesti­gahan ng pulisya. Bagamat nilinaw niya na hindi lahat ng ito ay may kinalaman sa drug war, dahil ang iba ay tinawag niyang “simple homicide cases”.

“Nagpapatay­an sila. It’s a lie by some quarters insisting this 30,000 DUIs are related to police operations. We’ve been very transparen­t and truthful, that we have 4,999 [suspects] who died in legitimate police operations,” ani Durana.

Bukod dito, nasa 161,584 din ang naaresto sa 113,570 anti-drug operations, na tumaas ng 3,160 sa loob ng isang buwan.

Nagresulta naman ang kampanya sa pagkakakum­piska sa P25.06 bilyon halaga ng ilegal na droga, na karamihan ay shabu (P18.31 bilyon).

Ibinahagi rin ni Carreon na nasa kabuuang 8,935 barangay ang naideklara nang ‘cleared’ sa ilegal na droga, habang nasa 23,161 ang sinusugpo pa sa droga.

Samantala, ibinahagi naman ni Philippine Communicat­ions Operations Office Assistant Secretary Ann Marie Rafael na mula sa 1.2 milyong drug surrendere­rs sa Oplan Tokhang, nasa 292,108 ang nakapagtap­os sa community-based recovery and wellness programs (RWP) ng PNP.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines