Palasyo kay Dureza: Salamat sa pagtulong sa peace process
Nagpamalas ng “delicadeza” at “leadership by example” si Presidential peace adviser Jesus Dureza nang magbitiw siya sa puwesto sa kasagsagan ng kurapsiyon na ibinabato laban sa dalawa niyang tauhan, ipinahayag ng Malacañang kahapon.
Pinuri ni Presidential Spokesman Salvador Panelo si Dureza sa pag-ako ng responsibilidad at pinasalamatan sa kanyang serbisyo.
“We commend the former Presidential Adviser on the Peace Process for taking full responsibility and issuing an apology under the principle of command responsibility for the transgressions committed by his two subordinates,” pahayag ni Panelo.
“His resignation has set a concrete example and put a true meaning to the value of delicadeza and morality in governance. This is leadership by example,” dagdag niya.
Nitong Martes ng gabi, ipinahayag ng Pangulo ang pagbibitiw ni Dureza matapos niyang isiwalat ang pagsibak niya sa dalawang opisyal ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) dahil sa umano’y kurapsiyon.
Sinabi ng Pangulo na siya ay “very sad” sa pagtanggap sa resignation ni Dureza, idinagdag na inako ni Dureza ang pagkakamali ng kanyang mga tauhan.
Sinabi ni Panelo na tinanggap ng Pangulo nang “with regrets” ang pagbibitiw ni Dureza, at sinabing nagpapasalamat sila rito sa pagtulong sa gobyerno sa peace process.
“We take this occasion to thank Sec. Dureza for the services he rendered to the nation, particularly under the Duterte administration, where he assisted the President in walking the extra mile in advancing peace for the good of our nation and all Filipinos,” aniya.
Samantala, ipagpapatuloy umano ni Dureza ang pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa sa kabila ng kanyang pagbibitiw.
Sa isang panayam, sinabi ni Dureza na bilang advocate ng kapayapaan, habambuhay siyang kikilos upang makamit ang kapayapaan.
“Work for peace, as I always say, is a work of a lifetime. And we can all do this in whatever sector or in any capacity,” ani Dureza .
Gayunman, tikom si Dureza nang tanungin ng Balita kung tatanggapin niya sakaling alukin siya ng Pangulo ng panibagong puwesto.
Aniya, nagbitiw siya sa puwesto upang akuin ang responsibilidad hinggil sa umano’y kurapsiyon sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Nag-ugat ang pagbibitiw ni Dureza makaraang sibakin ni Duterte ang dalawa niyang tauhan na sina Undersecretary Ronald Flores at Assistant Secretary Yeshter Donn Baccay.