Lizada , bagong Civil Service commissioner
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada bilang bagong komisyuner ng Civil Service Commission (CSC).
Base sa opisyal na dokumento na inilabas sa media nitong Huwebes, itinalaga si Lizada bilang ad interim CSC Commissioner nitong Nobyembre 9, 2018. Siya ay maglilingkod hanggang Pebrero 2, 2025, o unexpired term ng kanyang sinundan na si Robert Martinez.
Samantala, itinalaga ni Duterte si Waldo Carpio bilang undersecretary sa Department of Agriculture. Siya ay kapatid ni Mans Carpio, ang mister ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Saray Duterte-Carpio.
Nilagdaan ang appointment paper ni Carpio nitong Nobyembre 27. Siya ay unang kinilalang Agriculture assistant secretary noong Setyembre ng nakaraang taon.
Samantala, itinalaga rin ni Duterte ang dalawang bagong Nayong Pilipino board members matapos na sibakin ang lahat ng high-ranking officials ng foundation dahil sa umano’y kurapsiyon noong Agosto ng nakaraang taon.
Itinalaga ni Duterte sina Alicia Manuel at Caroline Lansang bilang bagong board members at maglilingkod hanggang Hunyo 30 ng nakaraang taon.
Pinili rin ng Pangulo si Roy Villa bilang bagong miyembro ng board of directors ng Philippine National Railways (PNR). Pagsisilbihan niya ang unexpired term ni Noel Patrick Prudente na matatapos sa katapusan ng Hunyo 30 ng nakaraang taon.
Samantala, itinalaga ni Duterte si Carim Panumpang bilang bagong Interior undersecretary; si Allan Gepty, bilang Trade assistant secretary; at Ma. Teresita Daza, bilang Philippine Ambassador to Chile na may hurisdiksiyon sa Ecuador at Peru.
Itinalaga ng Pangulo si Alexander Bangsoy bilang miyembro ng board of directors ng Intercontinental Broadcasting Corporation or IBC-13. Gayundin si Reynaldo Ola-a bilang director ng National Security Council. At si Corinna Frances Cabanilla bilang Commission on Higher Education director.