9 na UAAP scalpers, nakorner
Siyam na hinihinalang scalpers ang inaresto makaraang tangkaing magbenta ng overpriced tickets ng Game 1 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 81 men’s basketball finals sa pagitan ng Ateneo de Manila University (ADMU) at University of the Philippines (UP) sa isang mall sa Pasay City nitong Sabado, iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kinilala ni NCRPO Director Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Rex Peral, barangay tanod; Alfredo Molina; Antonio Borja; at Edgardo Lacap IV, pawang tagaPasay City; Alex Vinas, Parañaque City; Michael Dino, ng Laguna; Jhon Randell Guison at Billy Jon Alturas, ng Maynila; at Alberto Manarang, ng Caloocan City.
Ayon kay Eleazar, inaresto ang mga suspects nang makatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa mga indibiduwal na nagbebenta ng mga ticket sa labis na halaga sa bisinidad ng mall.
“Most of the people who will attend the games are students. It’s such a pity if students will have to pay 10 to 20 times the ticket value to watch, considering they live on measly allowances,” ani Eleazar.
Idinagdag niya na ang scalping, o pagbili ng ticket at pagbenta sa labis na halaga, ay ipinagbabawal sa Pasay City sa bisa ng City Ordinance Number 192 o AntiScalping ordinance.
“We will arrest scalpers anywhere this series goes. We may even get the masterminds. So I am warning these oportunists, these syndicates, stop because we will get you,” babala ni Eleazar.