6 na Chinese, timbog sa kidnapping
2 BIKTIMANG TAIWANESE, NASAGIP
Arestado ang anim na Chinese, kabilang ang umano'y lider nila, sa pagdukot sa dalawang Taiwanese, na na-rescue naman ng mga awtoridad sa Las Piñas City, nitong Martes.
Nasa kustodiya ng Las Piñas City Police at iniimbestigahan ang umano'y lider ng kidnap-for-ransom group na si Zhinkun Gou, 28, at limang iba pa na pawang Chinese, at hindi muna pinangalanan.
Nasagip naman ang dalawang Taiwanese na sina Sha Chang Ping at Hua Pin Yuan, kapwa nasa hustong gulang.
Sa ulat ni Senior Supt. Elíseo Cruz, director ng Southern Police District (SPD), nailigtas ang dalawang biktima ng pagdukot, makaraang ilegal na ikulong sa Daisy Road kanto ng Marygold Road sa Pilar Village sa lungsod, dakong 5:50 ng hapon.
Unang humingi ng tulong si Jerry Wang sa Taiwanese authorities sa bansa, batay na rin sa kahilingan ng pamilya ng dalawang biktima, para sa police assistance.
Disyembre 2 pa umano dinukot ng mga suspek ang mga biktima dahil sa posibleng utang sa casino.
Kaagad namang nagsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Intelligence Section ng Las Piñas Police sa lugar at namataan si Sha na humihingi ng saklolo, na kaagad nirespondehan ng mga pulis.
Nadiskubre na biktima ng kidnapping si Sha, hanggang sa masagip din si Hua, habang nadakip naman ang anim na suspek, sa pangunguna ni Gou.
Narekober mula sa mga suspek ang isang Mitsubishi Montero (UYO635), na ginamit umano sa pagtangay at pagdukot sa mga biktima; isang duct tape, kadena, iba’t ibang credit cards, mga cell phone, P12,000 cash, at iba’t ibang pasaporte.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek sa Las Piñas Prosecutor's Office.