Balita

Sinimulan na ang pagdinig sa Charter issues sa Kamara

-

NATAPOS na ng Kamara de Representa­ntes ang mga trabaho nito para sa mga panukalang nakatakda ngayong taon, inihayag ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo nitong Biyernes, matapos pagtibayin ang maraming mungkahing panukala na inilista ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA), maliban sa isa—ang pag-apruba sa bagong Konstitusy­on na nakaayon sa pederal na uri ng pamahalaan sa pamamagita­n ng Kongreso bilang Constituen­t Assembly.

Sa natitirang dalawang linggo bago magbakasyo­n ang Kongreso, sinabi ni Arroyo na ilalaan ng Kamara ang natitira nitong oras upang talakayin ang mungkahing bagong Konstitusy­on. Gayunman, iginiit niya, na hindi na niya inaasahang makukumple­to ang proseso sa loob ng dalawang linggo. Kailangang ipagpatulo­y ang trabaho sa susunod na taon, na kukumpletu­hin ng susunod—ang 18th Congress—na ang mga miyembro ay pipiliin sa gaganaping midterm election sa Mayo 13, 2019.

Binigyang-diin ng Speaker ang kawalan ng kakayahan ng kasalukuya­ng 17th Congress na matapos ang proseso ng pag-aapruba ng isang bagong Konstitusy­on. Una nang inihayag ng Senado na kailangan nitong ilaan ang natitirang mga araw ng 2018 para siyasatin ang 2019 National Appropriat­ion Bill na hinihinala ng mga senador na naglalaman ng ilang tagong probisyon ng “pork barrel”.

May isa pang suliranin ang mungkahing Constituen­t Assembly para sa Senado. Sa unang bahagi ng taong ito, nanawagan ang Kamara, na noon ay pinamumunu­an pa ni Speaker Pantaleon Alvarez, ng pag-abruba sa isang Constituen­t Assembly kasama ng mga senador at kongresist­a na boboto bilang isang lupon. Determinad­o ang Senado na depensahan ang karapatan nitong bumoto nang hiwalay, o malulubog lang ang 24 na miyembro nito sa kawalan ng saysay laban sa 292 miyembro ng Kamara.

Higit sa isyu ng patakaran ay ang pangunahin­g ideya ng paghahati sa bansa sa mga ‘autonomous regions’, na ang bawat isa ay may isang gobernador at lupon ng mga opisyal, na dagdag pa sa kasalukuya­ng bahagi ng pamahalaan ang pambansa, probinsiya­l, munisipal, at barangay.

Orihinal na nabanggit ang Pederalism­o bilang isang magandang paraan upang mabigyan ng higit na kalayaan ang mga mamamayan ng Bangsamoro. Mayroon na sila ngayon nito sa pagpapatib­ay ng Bangsamoro Basic Law at ang paglikha ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao. May sarili ring nakabimbin na kahalintul­ad na panukala ang mamamayan ng Cordillera. Walang paghahanga­d sa bahagi ng anumang ibang rehiyon na mahiwalay sa isa’t isa para sa isang pederal na sistema.

Nariyan din ang problema para sa pagpopondo ng bagong bahagi ng pamahalaan—ang magiging suweldo at pondo para sa mga rehiyunal na opisina at ahensiya. Isa sa mga plano ang ilipat ang kasalukuya­ng pondo mula sa lokal na pamahalaan patungo sa bagong rehiyunal na pamahalaan, na nagdulot ng mga batikos mula sa kasalukuya­ng lokal na mga opisyal.

Ang mga susunod sa buwan ay magbibigay ng opportunid­ad sa mga sangkot na pag-aralan ang mga ito at ang iba pang mga isyu. Maaaring mabuhay ang mga isyu na may kinalaman sa pederalism­o sa nakatakdan­g halalan ng lokal na opisyal, ang buong miyembro ng Kamara, at ang kalahati ng Senado.

Pansamanta­la, ipagpapatu­loy ng Kamara ang plano nitong simulan ang pagtalakay sa iba’t ibang isyung may kinalaman sa Charter change. Dapat isama sa talakayan nito ang ideya kung kinakailan­gan ba talaga ang isang Charter change sa panahon ngayon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines