Balita

Shabu lab sa San Juan, sinalakay

- Nina MARY ANN SANTIAGO at AARON B. RECUENCO May ulat ni Jun Fabon

Isang clandestin­e shabu laboratory, na kayang gumawa ng aabot sa P600milyon halaga ng shabu kada buwan, ang sinalakay ng mga awtoridad sa San Juan City, na nagresulta sa pagkakarek­ober ng mga sangkap sa paggawa ng shabu, kahapon ng umaga.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Bernabe Balba, dakong 7:30 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad, sa pangunguna ng San Juan City Police at Northern Police District (NPD), ang bahay sa No. 5 Arthur Street, Barangay North Greenhills, San Juan City.

Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant #32-2018, na inisyu ni Judge Danilo Cruz ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 152, laban sa isang drug personalit­y na hindi muna pinangalan­an ng mga awtoridad.

Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na nakumpiska sa operasyon ang aabot sa P204 milyon ng shabu.

“This is abandoned clandestin­e laboratory. We seized a lot of equipment and ingredient­s. This can produce 30 kilos in one cycle,” sabi ni Eleazar.

Ayon kay Eleazar, ang isang cycle ng paggawa ng shabu ay inaabot ng 10 araw, at kaya nitong mag-produce ng 30 kilo ng shabu sa isang beses na kumpletong paggawa ng shabu.

Nag-ugat ang pagsalakay nang magsumbong ang mga kapitbahay na may naaamoy silang kemikal mula sa naturang bahay, na nirerentah­an ng isang lalaki.

Hindi naman inabutan ng mga awtoridad ang tenant sa bahay, ngunit ayon sa secretary ng may-ari ng bahay, nagbayad na ng renta ang tenant para sa walong buwan.

Umaabot umano sa P120,000 ang buwanang renta sa nasabing bahay.

Nagsasagaw­a pa ng imbentaryo ang mga awtoridad kung gaano kadami ang mga shabu chemicals, controlled precursors at essential chemicals, assorted suspected apparatus at equipment sa paggawa ng shabu na narekober nila mula sa laboratory­o.

Samantala, inaalam na rin ng mga awtoridad kung konektado ang naturang shabu laboratory sa pagkakasam­sam ng mga awtoridad ng P2.2-bilyon halaga ng mga sangkap sa paggawa ng shabu sa Korean chemist na si Kim Jeong Hi sa San Juan din, kamakailan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines