Balita

Fire truck bumangga sa puno, 4 bombero sugatan

- Mary Ann Santiago

Sugatan ang apat na fire volunteers nang bumangga sa puno ang sinasakyan nilang truck habang rumerespon­de sa isang sunog sa Vitas sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ngunit nasa maayos nang kalagayan ang apat na hindi pinangalan­ang bombero, na kinabibila­ngan ng tatlong lalaki at isang babae, pawang fire volunteers mula sa Maypajo, Caloocan City.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), na pinamumunu­an ni Senior Supt. Vicente Danao, pasado 12:30 ng hatinggabi nang mangyari ang aksidente sa Honorio Lopez Boulevard sa Tondo, habang sakay ang mga biktima sa fire truck, at reresponde sana sa isang sunog sa Vitas.

Ayon kay Erwin Saranza, kasamahan ng mga biktima, mabilis ang kanilang takbo nang biglang sumulpot ang isang kotse sa kanilang unahan kaya iniwasan ito ng kanilang driver, pero sa biglang kabig ay sumalpok sa puno ang truck.

Nakaupo umano sa itaas ng truck si Saranza, ngunit nagawa niyang makakapit nang mahigpit kaya hindi siya nahulog o tumilapon, habang ang iba niyang kasamahan ay nahulog sa kalsada.

Aniya, nasugatan ang mga bomberong nahulog sa truck, habang ang iba ay naipit sa loob ng truck, kabilang ang babaeng biktima, na bagong volunteer lang nila.

Nayupi rin ang harapan ng fire truck dahil sa tindi ng pagkakaban­gga sa puno.

Samantalan­g, hindi natukoy ng mga awtoridad ang pasaway na kotse na nagresulta sa pagkakaaks­idente ng mga bombero.

Kaugnay nito, nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na huwag makipagsab­ayan at bigyang prioridad sa kalsada ang mga fire truck at ambulansiy­a upang maiwasan ang kaparehong aksidente.

Samantala, umabot lang sa unang alarma ang sunog sa Vitas na reresponde­han sana ng mga naaksident­eng bombero.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines