Balita

Sino ang nagpatunog ng Balangiga Bells vs US?

- Ni Francis T. Wakefield

Hindi maitago ang kaligayaha­ng nadarama ng 81-anyos na inapo ng lalaking nasa likod ng pagpapatun­og ng kampana na naging senyales ng pag-atake ng mga Pilipino laban sa mga sundalo ng Amerika noong 1901, sa pagbabalik ng Balangiga Bells, sa bansa makalipas ang 117 taon.

Si Nemesio Duran, tubong Balangiga na kasalukuya­ng residente ng Bacoor, Cavite at pangulo ng Balangiga Historical and Cultural Foundation, Inc. na itinatag noong 1991, ay sinasabing apo ni Vicente Candilosas, isa sa mga Pilipinong nakipaglab­an noon sa pag-atake sa Balangiga.

Bago ang simula ng pag-atake sa mga tropa ng Amerika, si Candilosas ang nagbigay ng hudyat para sa biglaang pag-atake ng mga Pilipino, na kumakain umano ng agahan noon nang patunugin niya ang mga kampana.

Ayon kay Duran, si Candilosas ay isang sakristan ng Simbahan ng San Lorenzo de Martir ng Balangiga.

“Napakasaya namin, sobrang saya. Minsan hindi ko ma-describe ang saya,” pagbabahag­i ni Duran nang dumalo siya sa hand-over ceremony ng mga kampana sa Villamor Airbase, Pasay City nitong Martes ng umaga.

“Imagine antagal-tagal namin pinakiusap­an ang Amerika na ibalik. Ngayon lang kung hindi kay President Duterte siguro ‘di mababalik ‘yan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Duran, tiyuhin ng kanyang ina si Candilosa.

Umaasa rin si Duran na dadalo si Pangulong Duterte sa pagbabalik ng mga kampana sa bayan ng Balangiga sa Sabado (Disyembre 15).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines