Ex-PDEA official, 43 pa, kinasuhan
Pormal nang kinasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si dating PDEA deputy chief, Ismael Fajardo, Jr, at 43 iba pa kaugnay ng umano’y pagkakadawit ng mga ito sa sinasabing smuggling ng multi-bilyong pisong shabu sa bansa, kamakailan.
Kabilang din sa kinasuhan kahapon sa Department of Justice (DoJ) sina Senior Supt. Eduardo Acierto, dating Bureau of Customs (BoC) intelligence officer Jimmy Guban, at 41 na iba pa.
Paliwanag ng PDEA, malaki ang partisipasyon ng mga ito sa pagpupuslit umano ng ilang bilyong pisong halaga ng shabu, gamit ang apat na magnetic lifter.
Paglilinaw naman ni PDEA Director General Aaron Aquino, hindi kasama sa kinasuhan si dating BoC commissioner at ngayo’y Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Isidro Lapeña.
“We haven’t seen any evidence that will link former Commissioner Lapeña sa mga kaso,” ayon kay Aquino.
“Inupuan ng legal team ko and they reviewed everything and they gave their results to me and it was found out that he has no direct links in these particular cases,” dagdag ni Aquino.
Tiniyak naman ni Aquino na ipadadala ng PDEA sa sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at sa Office of the Ombudsman ang kanilang findings sa isinagawa nilang imbestigasyon sa naturang usapin.
Nilinaw nito, mas makabubuti kung ang PACC at Ombudsman ang tumukoy kung may pananagutan si Lapeña sa kaso.