Balita

Balangiga Bells sa Nat’l Museum, pinalagan

- Mary Ann Santiago

Tutol ang obispo at mga clergy ng Diocese of Borongan sa panukalang ilagak ang isa o lahat ng tatlong makasaysay­ang Balangiga Bells sa National Museum.

Sa isang pahayag, sinabi ng diocese na kawalang-galang at pagsira sa kasaysayan ang panukalang ilagak sa National Museum ang mga kampana, alinsunod sa Senate Resolution No. 965.

Giit ng diocese, ang mga naturang kampana ay nararapat na ibalik lahat sa parokya ng Saint Lawrence, Deacon and Martyr sa Balangiga, Eastern Samar, na siyang tunay na tahanan nito.

“We, the Bishop and Clergy of the Diocese of Borongan collective­ly object to and strongly stand against the transfer of one or all of the bells of Balangiga from their historical and rightful habitat,” saad sa pahayag ng diocese. “Any effort aimed at such a transfer is a disrespect­ful mangling of history and the right of the Catholic faithful of Balangiga to their private property.”

Nanindigan pa ang diocese na isang kabastusan sa kasaysayan at maging sa sagradong karakter at layunin ng Balangiga Bells, ang naturang resolusyon ng Senado.

Itinuturin­g rin ng diocese na sagradong artefact ang tatlong kampana, na humahalina sa mga mananampal­ataya para sa sakramento ng banal na Eukaristiy­a, kaya dapat itong maibalik sa simbahang pinanggali­ngan nito at hindi sa National Museum.

Samantala, para naman kay Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine­s (CBCP), ang pagbabalik sa bansa ng mga kampanya ay isang magandang pagkakatao­n upang higit na maunawaan ang kasaysayan.

“It also demonstrat­es that the path to healing and reconcilia­tion may be arduous but is never impossible,” ayon pa kay Valles.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines