Ang 3 malaking estrelya sa Simbahan ng Angono
PASKO ang pinakamasaya at pinakamakulay na pagdiriwang ng mga Kristiyanong Katoliko at ng iba pang sekta ng relihiyon na naniniwala kay Kristo na Anak na Diyos na ang ina ay ang Mahal na Birheng Maria. Sa pagdiriwang ay kalakip ang pag-asa, pananalig, pag-big, kawanggawa at pagbibigayan.
Maraming simbolo o sagisag sa pagsilang ng Anak ng Diyos na itinuturing na Dakilang Alay ng Diyos sa sangkatauhan, ang Banal na Mananakop na isinilang sa isang sabsaban sa Bethlehem. Sa Kanyang pagsilang ay masayang nag-awitan ang mga anghel ng “Gloria in Excelsis Deo, Et in terra pax hominibus bonae voluntaitis” o Luwalhati sa Diyos sa Kaitaasan at Kapayapaan sa lupa sa mga taong may mabuting kalooban.
Isa sa mga sagisag o simbolo ng Pasko ay ang tala o bituin. Ayon sa kasaysayan, ang tala o bituin na sumikat ang naging palatandaan ng pagsilang ng Dakilang Anak ng Diyos. Ang nasabing tala ang naging patnubay at gabay ng Tatlong Mago o Marunong nang dalawain at dalhan nila ng aguinaldo ang Banal na Sanggol. Ang pagbibigay ng aguinaldo ng Tatlong Marunong ay ang naging batayan ng mga Kristiyano sa pagbibigayan ng aguinaldo sa panahon ng Pasko.
Ito rin ang naging batayan sa pagkatha ng isang awiting pamasko na may pamagat na “Nauna ang Tatlong Mago” na inawit ng Mabuhay Singers at iba ng pang Pilipinong mangaawit. Ganito ang liriko ng awitin: Nauna ang Tatlong Mago, nag-alay ng regalo, Simula na ito ng kagandahangloob ng bawat krostiyano. Habang tayo’y nabubuhay, ang Pasko ay ipagdiwang, At sikaping ang pag-ibig ang umiral...
Sa lahat ng panig ng iniibig nating Pilipinas at maging sa ibang bansa, ang tala o bituin na tinawag na Parol ay bahagi na ng Kapaskuhan. Makikita ito sa mga malalaking Belen na inilalagay sa harap ng mga business establishment, sa bukana ng mga tanggapan ng pamahalaan, mga pribadong tahanan at malalaking gusali sa mga lungsod, sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Sa Angono, Rizal na bayan ng National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, kapag Pasko ay may mga tradisyon na bahagi na ng kultura ng bayan. Ito ay ang pagsasabit ng tatlong malaking estrelya sa loob ng simbahan. Ang pagsasabit ng tatlong malaking estrelya ay ginagawa tuwing ika-14 ng Disyembre. Kasama rin na isinasabit ang may 16 na mga estrelya na katamtaman ang laki at may iba’t ibang kulay. Ang nasabing 16 na estrelya ang pinaka-dama ng tatlong malaking estrelya. Sa simula ng Simbang Gabi, binubuksan ang mga ilaw ng mga ito.
Ito ay tampok na tanawin sa loob ng simbahan ng Angono sa gabi ng bisperas ng Pasko. Mula sa itaas ng pinto ng Simbahan ay “pinalalakad” o hinihila patungo sa tapat ng altar at Belen. Ang “paglalakad” o paghila ay ginagawa kapag inawit na ng choir ang “Gloria in Excelsis Deo” o “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan at kapayapaan sa lupa sa mga taong may mabuting kalooban.”
At mula sa umaga ng Pasko, ang tatlong malalaking estrelya ay napapansin ng mga nagsisimba. Ang tatlong malaking estrelya sa simbahan ng Angono na parokya ni San Clemente ay inaalis matapos ang Kapistahan ng Tatlong Hari o Three Kings.
Ang gastos sa paggawa ng tatlong malaking estrelya ay ipinangingilak sa bayan. Ang karagdagang halaga ay ibinibigay naman ng mga taga-Angono na may magandang loob at matapat na sumusuporta sa mga tradisyon sa bayan.
Sa ngayon at sa darating pang mga panahon, ang tatlong malaking estrelya sa Angono at ang 16 na ibang maliit na estrelya ay mananatiling bahagi ng pagdiriwang ng Pasko at pagpapahalaga sa tradisyon.
Sa paniwala ng ibang mga tagaAngono, ang tatlong malaking parol ay kumakatawan kay Jesus, sa Mahal na Birhen at kay San Jose. Sila ang mga tauhan nang maganap ang unang Pasko sa Bethlehen na araw ng pagsilang ng Banal na Mananakop, na masayang inawitan ng mga anghel, nasaksihan ng mga pastol ng tupa na gumalang at sumamba sa Banal na Sanggol at dinalaw ng Tatlong Marunong (Hari), na nagpugay at nagbigay ng kanilang dala-dalang aguinaldo.