Balita

Bata nasagip, 6 sugatan sa hostage drama

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Anim ang sugatan sa ligaw na bala, habang nasagip ng mga awtoridad ang isang paslit na hinostage ng isang lalaking nagamok at namaril kahapon ng umaga, matapos umanong mapatay ang kanyang kapatid sa isang police operation sa Sta. Mesa, Maynila.

Hindi naman nasaktan at nasa maayos nang kalagayan ang limang taong gulang na lalaking biktima, ngunit nasugatan ang anim na katao na tinamaan umano ng mga ligaw na bala nang magpaputok si Dominador Abrillo, 38, ng Manggahan St., Barangay North Daang Hati, Taguig City.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), na pinamumunu­an ni Senior Supt. Vicente Danao, nabatid na dakong 9:37 ng umaga nang mangyari ang hostage-taking sa PNR Sta. Mesa Station sa Anonas Extension.

Nauna rito, nag-amok umano si Abrillo matapos na mabalitaan­g napatay ang kapatid niyang lalaki, isang overseas Filipino worker (OFW), sa isang police operation sa Clark, Pampanga.

Inagaw umano ng suspek ang .9mm caliber na service firearm ng security guard ng PNR na si Johnrel S. Jabonillo, 36, ng Dama de Noche St. Camarin, Caloocan City, at saka sunud-sunod na nagpaputok ng baril sanhi upang masugatan ang anim na hindi pinangalan­ang biktima.

Dito na rin umano biglang hinablot ng suspek ang bata, tinutukan ng baril at ginawang hostage.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Sta. Mesa Police Station at hinimok si Abrillo na huwag sasaktan ang bata at sumuko nang mahinahon.

Dakong 10:54 na ng umaga nang kusang-loob na sumuko si Abrillo mga negosyador, at kaagad na ipiniit sa presinto para sampahan ng mga kaukulang kaso.

Ang mga nasugatan naman ay isinugod sa Ospital ng Sampaloc at Lourdes Hospital upang malunasan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines