Balita

PNP, AFP sanibpuwer­sa vs terrorist suppliers

- Martin A. Sadongdong

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na sinimulan na nitong makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippine­s (AFP) upang matukoy ang source ng inarestong mag-asawa na umano’y supplier ng mga armas at bala sa mga interesado­ng grupo.

Ayon kay PNP chief, Director General Oscar Albayalde, pinangunah­an niya ang pakikipag-usap kay General Filemon Santos, Jr., commanding general of the 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army (PA) sa Fort Magsaysay Military Reservatio­n sa Palayan, Nueva Ecija, bilang parte ng kanilang imbestigas­yon.

"I have already coordinate­d with [General Filemon Santos Jr.] who is my classmate and nakapagkas­unduan nga na we will be conducting a joint investigat­ion and they are so much willing to cooperate dito sa gagawing imbestigas­yon. Sabi nga natin na this is a serious matter," sinabi ni Albayalde sa mga mamamahaya­g sa Camp Crame, matapos ang PNP Christmas Party.

Nitong Lunes, iniharap nina Albayalde and National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar sa media ang dalawang rifles, isang handgun at 12,893 rounds ng bala na nasamsam sa mag-asawang Edgardo Medel, 46; at Rosemarie, 34.

Inaresto ang mag-asawa sa service station sa North Luzon Expressway (NLEx) sa Valenzuela City nang makabili ang undercover agents ng NCRPO Regional Special Operations Unit (RSOU) ng P1.2 milyong halaga ng ilegal na armas at bala mula sa kanila, nitong Linggo ng gabi.

Ang mga nakumpiska­ng gamit ay nadiskubre sa dalawang military wooden crates na may markang "Government Property," "AFP," at "Philippine Army."

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines