Balita

Bata na-hit-and-run sa pangangaro­ling

- Mary Ann Santiago

Patay ang 8-anyos na lalaki nang ma-hit-and-run habang nangangaro­ling sa gilid ng kalsada sa Barangay Rosario, Pasig City, iniulat kahapon.

Isinugod pa sa Pasig City General Hospital (PCGH) si Miguel C. Eco, ng 2705 Davia Street, Rodriguez Compound, Bgy. Rosario, ngunit dead on arrival.

Sa ulat ng Pasig City Police, na pinamumunu­an ni Police Senior Supt. Rizalito Gapas, naganap ang aksidente sa Rayos Compound, kanto ng Bernal St., dakong 7:10 ng gabi.

Nangangaro­ling umano ang biktima kasama ang kanyang mga kaanak at kaibigan, ngunit napahiwala­y ito sa mga kasamahan.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, mapapanood na hinihintay ang mga kasama ay naisipan ng biktima na umupo at bilangin ang perang natanggap sa pangangaro­ling.

Makalipas ang ilang sandali, lumipat ito ng puwesto at dahil maliit lamang ang biktima at madilim sa lugar ay hindi siya napansin ng isang pulang Asian Utility Vehicle (AUV) na lumiko at pumasok sa compound kaya nasagasaan at nakaladkad.

Sa halip na tulungan at isugod sa ospital ang biktima ay tumakas ang driver ng naturang behikulo.

Rumesponde ang ilang tauhan ng Barangay Security Force (BSF) Conception E. Coronado ng Bgy. Rosario at isinugod ang biktima sa ospital, ngunit huli na ang lahat.

Labis ang pagdadalam­hati ng mga magulang ng biktima.

Nanawagan si Giovanni Eco, ama ni Miguel, sa suspek na lumutang at panagutan ang pagkamatay ng kanyang anak.

“Lumutang ka na kasi masakit yung ginawa mo. Ang sakit-sakit. Maawa ka sa akin, maawa ka sa anak ko, maawa ka sa asawa ko,” panawagan pa niya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines