Balita

24 PATAY SA ‘USMAN’

- Nina AARON B. RECUENCO at BETH CAMIA

Nasa 24 na katao ang nasawi dahil sa baha at landslides na bunsod ng malakas na ulan na dulot ng bagyong ‘Usman’ sa Bicol at Eastern Visayas nitong Sabado at Linggo.

Pinakamara­mi ang nasawi sa Bicol, na umabot sa 18, karamihan ay dahil sa pagguho ng lupa at pagkalunod. Nasa 12 iba pa ang nawawala sa Albay at Sorsogon habang isinusulat ang balitang ito kahapon.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-5 Director Chief Supt. Arnel Escobal na ang huling pagkasawi ay naitala sa Tiwi, nang dalawa ang mamatay sa pagguho ng lupa sa Barangay Sugod, bandang 9:00 ng gabi nitong Sabado.

Pitong residente ang napaulat na nawawala, habang limang iba pa ang nailigtas, ayon kay Escobal.

Kinilala ni Jocelyn Barba, chairwoman ng Bgy. Sugod, ang mga nawawala na sina Nimrod Bobis, Jr., 40; Mark Angelo Bobis, 15; Nina Angeline Bobis, 7; Charles Gabriel, 11; Arnel Bragais; Rita Dacillo; at Maylyn Dacullo.

Nauna rito, tatlong miyembro ng isang pamilya ang nalibing nang buhay sa landslide sa Legazpi City, habang dalawang iba pa ang nasawi sa Sorsogon City, dalawa sa Lagonoy, Camarines Sur; at isa sa Bulan, Sorsogon.

Isa pa ang namatay sa pagkalunod sa bayan din ng Bulan sa Sorsogon, tatlo sa Claveria, Masbate; at tatlo pa sa mga bayan ng Mobo at Uson sa Masbate.

Sa Masbate pa rin, isang residente naman ang namatay nang mabuhalan ng natumbang puno sa bayan ng Mobo.

Sa Eastern Visayas, tatlo ang nasawi sa landslide sa Lope de Vega, Northern Samar, habang tatlo ang nalunod: dalawa sa Palanas at isa sa Lope de Vega.

“There are still three people reported missing in Victoria, Northern Samar who were reported to have fallen from a banca,” sabi ni Henry Losanes, direktor ng Office of Civil Defense (OCD)-Eastern Visayas.

Ayon kay Losanes, pinakamati­nding naapektuha­n ng bagyo ang bayan ng Lope de Vega, na halos buong bayan ay nalubog sa baha dahil sa ilang araw nang pag-uulan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines