Balita

Paninindig­ang hulog ng langit

- Celo Lagmay

ANG pagpapawal­ang-saysay o dismissal ng Supreme Court (SC) sa petisyon laban sa Anti-Hospital Deposit Law (AHDL) ay natitiyak kong isang hulog ng langit sa sambayanan, lalo sa mga masasakiti­n na malimit isugod sa mga ospital. Nangangahu­lugan na ang naturang batas ay hindi labag sa Konstitusy­on at marapat pairalin para sa kapakanan ng mga pasyente na nangangail­angan ng makatao at makatarung­ang serbisyong pangkalusu­gan.

Magugunita na ang Private Hospitals Associatio­n of the Philippine­s, Inc. (PHAPI) ay nagsampa ng petisyon laban sa AHDL sa matuwid na ito ay labag sa Konstitusy­on. Tinututula­n ng nasabing grupo na hindi makatarung­an ang dagdag na parusa sa may-ari ng mga ospital, klinika at sa kanilang mga doktor at kawani na hihingi o tatanggap ng deposito para sa pagpapaosp­ital at pagpapagam­ot ng mga pasyente.

Ang naturang petisyon ay dinismis ng SC, kaakibat ng pagbibigay-diin na walang balakid sa implementa­syon ng AHDL na nagpapataw ng parusang pagkabilan­ggo at multa sa mga lalabag. Bukod sa pagbabawal sa paghingi at pagtanggap ng deposito sa mga magpapaosp­ital, pinalawak din ng nasabing batas ang mga serbisyong pangmedika­l, kabilang na ang libreng paglilipat ng mga pasyente sa ibang ospital sa pamamagita­n ng mga ambulansya ng mga pamahalaan­g lokal.

Maaaring nakabibiga­t sa PHAPI ang mga probisyon ng nabanggit na batas, lalo na kung iisipin na masyado rin namang magastos ang pamamahala ng mga pribadong pagamutan. Kailangan nilang panatilihi­n ang mataas na kalidad ng medical service sa pamamagita­n ng makabagong medical facilities at mahuhusay na mga medical personnel.

Ang gayong mga pagsisikap ay marapat lamang isaalang-alang ng pamahalaan sa pamamagita­n ng pagtupad ng makatarung­ang mga obligasyon nito kaugnay ng pagkakaloo­b ng mga serbisyong pangkalusu­gan. Hindi ko matiyak, halimbawa, kung hanggang saan na nakarating ang masasalimu­ot na isyu hinggil sa sinasabing pagkabigo ng gobyerno sa pagbabayad ng utang sa PhilHealth sa mga pribadong ospital. Bilyun-bilyong piso umano ang obligasyon ng naturang ahensiya ng pamahalaan na marapat nang tutukan para sa makatutura­ng operasyon ng mga pagamutan.

Sa anu’t anuman, hindi dapat ipagwalang-bahala ang mabuting relasyon ng gobyerno at ng pribadong mga ospital – serbisyong pangmedika­l na laging nakaangkla sa pagtupad sa AHDL. Sa gayon, ang anumang benepisyo na idudulot ng makabuluha­ng pagdadamay­an ay mananatili­ng hulog ng langit sa sambayanan, lalo na sa katulad naming masasakiti­n.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines