Balita

Holdaper natunton sa tracking device

- Orly L. Barcala

Arestado ang isa sa dalawang holdaper makaraang matunton ang kanilang kinaroroon­an dahil sa tracking device na naka-install sa cell phone ng isa sa kanilang mga biktima sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat kay Police Senior Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang nadakip na si Angelo Cuabo, 19, estudyante, naniniraha­n sa No. 20A Yellow Bell Street, Barangay Potrero, Malabon City, habang pinaghahan­ap pa ang kanyang kasabwat.

Ayon kay Col. Poklay, unang hinoldap ng mga suspek, sakay sa motorsiklo­ng walang plaka, ang magkapatid na sina Ahsley Millar, 13; at Aeren Millar, 16, kapwa ng Valenzuela City.

Ayon sa mag-utol, naglalakad sila sa Elwer St., Bgy. Malanday nang tutukan sila ng baril ng mga suspek at kinuha ang kanilang mga cell phone, dakong 12:30 ng hatinggabi.

“Sinampal po kami nung mga holdaper, tapos umalis na sila,” kuwento nina Ashley at Aeren.

Pagsapit ng 12:45 ng madaling araw, biniktima naman ng mga suspek si Kenneth Serrano, 18, ng taga-Malanday.

Ayon kay Serrano, pauwi na siya nang salubungin at tangayin ng mga suspek ang kanyang cell phone.

Hindi rin nakaligtas sa mga suspek si Jonuel Lontoc, 29, na naglalakad sa kahabaan ng Feluzville St., No. 3 Santiago St., Bgy Dalandanan, Valenzuela City, dakong 1:20 ng madaling araw.

Tinangay ng mga suspek ang kanyang cell phone at P7,000 cash.

Agad na nagtungo sa Valenzuela Police Station si Lontoc at sinabi sa mga pulis na may tracking device ang kanyang cell phone at maaari nilang ma-locate ang kinaroroon­an ng mga holdaper.

Sa tulong ng tracking device, tinunton ng mga tauhan ng Station Investigat­ion Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) ang Otto Prison Bar/Grills and Auto Spa hanggang sa nadakip si Cuabo.

Narekober kay Cuabo ang cell phone ni Lontoc at P2,500 cash, ngunit ang mga cell phone ng tatlo pang biktima ay hindi na nakuha dahil hawak ito ng isa pang suspek.

Kinasuhan ang mga suspek ng 4 counts ng robbery at child abuse law.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines