Balita

Litrato ng 2 Cotabato blast suspects, inilabas

- Martin A. Sadongdong

Isinapubli­ko na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang litrato ng dalawang suspek sa pambobomba sa isang shopping mall sa Cotabato City nitong bisperas ng Bagong Taon, na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 34 na iba pa.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)12 director Supt. Aldrin Gonzales na ang larawan ng dalawang suspek ay nagmula sa closed-circuit television (CCTV) footages na kinuha nila sa pamunuan ng binombang South Seas Mall.

Wala pang inilalabas ang mga awtoridad na official descriptio­n ng dalawang suspek.

Gayunman, kung ang litrato ang pagbabatay­an, makikita na ang pangunahin­g suspek ay nasa late 20s o early 30s, na may bitbit na back pack.

“Siya ‘yung nag-iwan ng IED (improvised explosive device) sa loob ng mall at ‘yung nakita na naghulog ng isa pa sa labas,” sabi ni Gonzales.

Ang pangalawa namang suspek ay matanda nang kaunti sa primary suspect, na nagsisilbi namang lookout.

Aminado naman ang opisyal na hindi pa rin nila natutukoy ang pagkakakil­anlan ng dalawa, kasabay na rin ng panawagan sa publiko na makipagtul­ungan sa kanila para sa ikaaaresto ng mga ito.

“Pinag-aralan ng investigat­ors natin ‘yung CCTV na nakuha ng SITG South Seas at sila talaga ‘yung nakita sa mga footage,” aniya.

Sinabi ni Gonzales na layunin ng kanilang grupo na kilalanin muna ang mga suspek at matukoy ang grupong kinaaniban ng mga ito upang madakip at masampahan ng kaukulang kaso.

Nauna nang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na sinisiyasa­t na nila kung may kinalaman sa insidente ang mga Islamic State (ISIS)-inspired terror group na kumikilos sa Mindanao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines