Surigao exec assistant binistay, patay
CAMP COL. RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Ipinagutos kahapon ng regional command ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) ang masusing imbestigasyon sa pagpatay sa Provincial Executive Assistant (PEA) ng Surigao del Sur nitong Lunes, Enero 14.
Ipinag-utos din ni PRO 13 Regional Director Chief Supt. Gilberto DC Cruz sa Tago Municipal Police Station (MPS), Surigao del Sur Police Provincial Office (PPO) at Scenes of Crime Office (SOCO) na magtulung-tulong sa imbestigasyon sa pagsisikap na matukoy ang motibo sa pagpatay, makilala at maaresto ang mga suspek.
"A province-wide manhunt must also take place to arrest the suspects," utos ni Cruz.
Sa flash report na ipinarating sa regional command and action center ng PRO 13 headquarters dito, pinagbabaril si Ritchie L. Lisondra, 47, ng Purok Tambis, Barangay Purisima, Tago, Surigao del Sur, ng tatlong hindi pa nakikilalang armado gamit ang .45 caliber pistols.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Tago MPS, ang biktima ay nasa kanyang kapitbahay at nakikipag-usap sa kanyang pinsan hinggil sa burol ng kanilang kamag-anak nang lapitan ng mga armado.
"Suddenly assailants drew their respective firearms from their waist and simultaneously shot the victim at the different parts of his body causing his instantaneous death," saad sa inisyal na ulat ng Tago MPS.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek, sakay sa isang itim na motorsiklong walang plaka, patungo sa direksiyon ng Bgy. Road ng Sitio Suong, Purok Mangga 2, Bgy. Purisima, Tago, na may exit road patungong national highway ng Bgy. Victoria, base sa ulat ng Tago MPS.
Inilarawan ang mga suspek na nakasuot ng dark short pants, T-shirts at ball caps.