Balita

Kelot kulong sa carnapping

- Mary Ann Santiago

Dinampot ang isang lalaki, na umano’y tumangay ng sasakyan sa Pasig City kamakailan, sa Makati City, kamakalawa.

Kasong carnapping ang kakaharapi­n ni Michael Villaraza, 42, ng 4334 Dayap Street, corner Matanza St., Barangay Palanan, Makati City.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunu­an ni Police Chief Supt. Bernabe Balba, si Villaraza ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Carnapping Unit ng Pasig City Police at Makati City Police sa Cuena St., kanto ng Calatagan St., sa Bgy. Palanan, bandang 8:00 ng umaga.

Nag-ugat ang pag-aresto kay Villaraza nang tangayin umano nito ang isang silver gray na Mazda 3 (UQF-293) sa tapat ng Rosemarie Lane Building, Pasig Boulevard, Bgy. Kapitolyo, Pasig City nitong Enero 5, sa ganap na 3:00 ng hapon.

Ayon kay Lawrence Dejaresco, 35, ng 12-C S. Santos St., Unit 3-C, Bgy. Buting, Pasig City, ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa naturang lugar ngunit nang balikan ito ay nawawala na, kaya ini-report sa mga awtoridad.

Pagsapit ng Enero 8, bandang 10:30 ng umaga, nakatangga­p ng impormasyo­n si Liza Guevarra, kapatid ni Dejaresco, mula kay SPO3 Noli Jucal, Ancar personnel ng Makati Police, na namataan ang sasakyan ng biktima sa Enriquez St., malapit sa Bautista St., sa Bgy. Palanan at nakumpirma­ng iyon nga ang nawawalang sasakyan.

Naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa Bgy. Palanan matapos na i-report ng isang concerned citizen na namataan ito sa nasabing lugar.

Sinasabing kinuha ng suspek at ipinagbili ang mga spare parts at accessorie­s ng sasakyan sa Pablo Ocampo St, kanto ng Cocho St., sa Malate, Manila, ayon na rin sa salaysay ng isang pedicab driver na siyang inupahan ng suspek upang maghatid sa kanya nitong Enero 6, bandang 10:30 ng umaga.

Sa interogasy­on, inamin ng suspek ang krimen at itinuro kung saan niya ipinagbili ang mga spare parts ng behikulo at nabawi ang mga ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines