Deployment ng Pinoy drivers sa Europe, ipinatitigil
Pinanindigan ng Philippine Embassy sa Poland ang nauna nitong rekomendasyon na suspendihin ang pagpapadala ng OFWs sa road transport sector sa Europe kasunod ng “harsh” working at “slum-like” living conditions na naranasan ng mga Pilipinong truck driver sa Denmark.
Sinabi ni Chargè d’Affaires Maria Alnee Gamble ng Philippine Embassy sa Warsaw na dapat makipagtransaksiyon lamang ang Pinoy jobseekers sa recruitment agencies na nagpapatupad ng ethical recruitment at pinapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa.
“In view of the issues concerning the working conditions of Filipinos who worked as trailer drivers in Europe, the Embassy is maintaining its recommendation for the suspension of the deployment of Filipinos for work in the road transport sector,” saad sa pahayag ng Embassy nitong Huwebes.
Nitong nakaraang taon, naglunsad ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang mga awtoridad sa Denmark, Germany at Poland kaugnay sa kalagayan ng mahigit 60 Pinoy drivers na ang deployment status ay napatunayang nasa kalunos-lunos na kondisyon.
“Their living conditions are inhumane. In many respect, it’s hard to imagine human beings living like this,” sinabi ni EU Parliament Member Rina Ronja Kari sa video na ipinaskil sa Copenhagen-based online news platform noong Oktubre 2018.
Upang maprotektanan ang interes ng OFWs, sinabi ng Philippine Embassy sa Warsaw na dapat tiyakin ng mga Pilipino na mayroon silang valid working permit, working visa at written employment contract bago umalis sa Pilipinas.
Binalaan din ni Gamble ang mga manggagawang Pinoy laban sa recruitment agencies na labis-labis maningil matapos makatanggap ng impormasyon ang Embassy ‘no placement fee” destination ang Poland.
Ipinaalala rin ni Gamble sa OFWs na patungong Poland na ang kanilang work permit ay para lamang sa pagtatrabaho sa employer na nakalagay sa permit at laging isaisip ang kanilang mga obligasyon sa kanilang employers.