Component city
DAHIL sa masidhing pagsisikap ng local government units (LGUs) sa pagbunsod ng mga programang pangkaunlaran sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, naniniwala ako na isa na namang siyudad ang maidadagdag sa naturang probinsya sa malapit na hinaharap. Mismong si Mayor Nerivi Santos-Martinez ng bayan ng Talavera ang puspusang kumikilos upang matamo ang kanyang pangunahing mithiin: Talavera City 2022.
Natitiyak ko na ang pahayag ng naturang Alkalde ay batay sa katotohanan na bahagyang usad na lamang at aabot na sa P100 milyon ang kikitain o revenue ng nasabing bayan. Ito ang pangunahing pangangailangan o requirement upang maging siyudad ang isang bayan – bukod pa sa land area o lawak ng lupain at populasyon o bilang ng mga mamamayan.
Kapag nagkaroon ng positibong resulta ang cityhood ng Talavera, magiging anim na ang lungsod ng aming lalawigan; kabilang dito ang Palayan City, Gapan City, Muñoz Science City, San Jose City at Cabanatuan City na sa aking pagkakaalam ay isa pa ring component city. Ibig sabihin, ang Cabanatuan City ay hindi pa maituturing na isang Highly Urbanized City (HUC) sa kabila ng katotohanan na hindi lamang maituturing na isa sa mga unang naging siyudad sa Pilipinas kundi isa rin ito sa pinakamatandang component city sa bansa.
May mga pahiwatig na ang Cabanatuan City ay hinog na upang maging HUC. Dangan nga lamang at tila nagkakaroon ng bahagyang hidwaan ang ilang grupo ng mga pulitiko sa naturang lalawigan. Nais ng ilang grupo na idaan sa plebisito ang pagiging HUC ng naturang lungsod; tila pinagtatalunan kung ang plebisito ay isasagawa sa lungsod lamang o sa buong lalawigan na lalahukan ng lahat ng Novo Ecijano. Hindi ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng nasabing pag-iiringan.
Gayunman, nakatutuwang mabatid na ang cityhood ng Talavera ay sinusuportahan ng pamunuan ng aming lalawigan. Walang pagaatubili ang suporta ni Gob. Czarina ‘Cherie’ Umali at come-backing Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali; gayundin si Cabanatuan
City Vice Mayor Emmanuel Anthony Umali. Binigyang-diin nila ang kanilang suporta sa LGUs sa naturang lalawigan. Dapat lamang asahan na ang iba pang LGUs sa lalawigan ay makikiisa rin sa mga adhikain hinggil sa isang Talavera
City 2022.
Ang bola, wika nga, ay nasa kamay na ni NE Representative Estrellita Suansing na siyang inaasahang magsusulong sa Kamara ng isang panukalang-batas tungkol sa cityhood ng Talavera.
Ang gayong mga pagsisikap ay inaasahan ding pagtutuunan ng pansin ng iba pang bayan na naghahangad ding maging siyudad sa hinaharap.