Balita

Pagbabalik-tanaw: 1986 People Power EDSA Revolution

- Ni DAVE M. VERIDIANO

IKATLONG ARAW:

Ang unang sagupaan sa pagitan ng RAM at mga “loyalist” ay naganap madaling araw ng Lunes, ika-24 ng Pebrero, 1986 – nang makalusot sa mga nagbivigil na mga tao sa may gilid ng Camp Aguinaldo sa may Santolan Gate, ang mga sundalong “loyalist” dahil hinagisan nila ng tear gas ang mga tao sa kalsada. Hindi naman nila nagawang pasukin ang kampo nang salubungin sila ng putok ng mga rebeldeng RAM.

Napakainit ng tensiyon sa buong paligid ng magkabilan­g kampo, lalo na nang mapabalita­ng lumipad na mula sa Sangley Point sa Cavite City ang ilang armadong helicopter ng Philippine Air Force (PAF) patungong EDSA – ang misyon, bombahin ang mga kalaban sa Camp Crame.

Nagpaikut-ikot muna ang dalawang armadong helicopter sa itaas ng EDSA na lalong nagpainit sa sitwasyon at nagpakaba sa mga rebelde at sa mga taong nasa loob ng kampo. Ngunit makaraan ang ilang minuto, sa halip na bombahin ang Camp Crame, lumapag sa loob ng kampo ang dalawang PAF helicopter at buong giting na bumaba at sumaludo sina Col. Antonio Sotelo, kumander ng 15th PAF Strike Wings; at Col. Charles Hutchkiss, kumander ng 205th Helicopter Wings, sa sumalubong sa kanilang sina Gen. Ramos at Sec Enrile.

Biglang piyesta sa buong kampo sa pagdefect nina Sotelo at Hutchkiss sa rebeldeng grupo. Ibinalita agad ito ng Radyo Bandido na ipinagbuny­i naman agad ng mga tao sa EDSA, na ayon sa mga rebelde ay aabot na raw ang bilang sa dalawang milyon. Dito ako napangiti dahil alam kong bahagi ito ng kanilang “psywar operations” na nakatulong naman, sa sunud-sunod na “pagbaligta­d” ng mga opisyal sa AFP, PC-INP at mga lokal na pamahalaan sa buong kapuluan, sa panig nina Ramos at Enrile.

Kung naging napakahala­ga ng Radyo Bandido sa pagkakalat ng balita sa mga taong nasa EDSA, ‘di rin mapasusuba­lian ang mga staff sa Public Informatio­n Office (PIO) sa Camp Crame na pinamumunu­an ni Col. Luis San Andres at ng kanyang senior staff na si Captain Cris Maralit. Ang grupong ito ang nagpakalat ng naka-xerox na mga kalatas o updates na ipinamimig­ay ng ilang staff sa mga taong nasa loob at labas ng dalawang kampo. Kasama ni Capt. Maralit ang ilang reporter sa pagbayo sa mga Underwood Typewriter – wala pang computer at fax machine noon sa PIO – sa paggawa ng mga “newsbits” na agad-agad ipinapakal­at sa mga tao na uhaw na uhaw sa mga totoong balita na nanggagali­ng mismo sa Camp Crame.

Bago magtanghal­i ay umugong muli ang hiyawan sa EDSA – pumutok kasi ang balitang lumayas na umano sa Malacañang ang buong pamilya ni Marcos at ito ay ibinalita na rin ng Radio Bandido. Ilang oras din tumagal ang kasiyahan, ngunit biglang naputol nang lumabas sa Ch-4 si Marcos, kasama ang kanyang mga heneral sa AFP at nagsabing hinding-hindi siya aalis sa puwesto habang nanawagan sa kabilang kampo na pag-usapan na lang nila ang problema.

Kasama ang ilang taga-media ay tumakbo kami sa istasyon ng Ch-4 sa Bohol Avenue dahil sa impormasyo­ng ire-retake ito ng mga rebeldeng sundalo. Dito ko inabot ang grupo ng mga batang miyembro ng Constabula­ry Highway Patrol Group (CHPG) na pinamumunu­an ni Capt. Jojie Cruz, na siyang nakita kong unang nakapasok sa compound ng Ch-4 kasabay ng nakabibing­ing putukan.

Nagsitakas ang mga “loyalist” soldier kaya madaling na-recover ng mga rebeldeng sundalo ang istasyong ginagamit ni Marcos sa propaganda war niya ng mga oras na iyon. Nawala sa ere sina Marcos at nang bumalik ang programa ay sina Orly Punzalan na ang nakaharap sa camera, at sinabi nilang balik ABS-CBN na ang naturang istasyon matapos itong i-take over ng rehimeng Marcos sa loob ng halos 20 taon, at gawin itong mother station ng government television na Ch-4.

Itinigil na rin ang broadcast ng Radyo Bandido mula sa DZRJ – AM sa Sta. Mesa at muling ibinalik sa Radio Veritas, na sumahimpap­awid pansamanta­la sa bagongbawi­ng istasyon ng ABS-CBN sa Bohol Avenue, Quezon City.

Nang humupa ang putukan, sa labas ng compound ay nakita kong pinagkakag­uluhan ng mga photograph­er si Col. Mariano Santiago, habang nakayapos sa kanya ang isang nakaabiton­g paring Katoliko. Lumabas sa mga pahayagan ang naturang litrato na may kasamang istorya na si Col. Santiago umano ang team leader ng grupong lumusob sa loob ng Ch-4 at nakabawi rito.

Ginamit naman sa extra edition ng Manila Times, na naka play-up ng malaki sa front page nito, ang kuha kong larawan habang papalusob sa loob ng compound ng Ch-4 ang grupo ng CHPG na pinangungu­nahan ni Capt. Cruz, ang team na totoong nakabawi sa istasyon ng ABS-CBN mula sa mga “loyalist soldiers” ni Marcos.

Bandang hapon ng Lunes, nakatikim ng sampol mula sa mga rebeldeng piloto ng PAF ang mga “loyalist” ni Marcos. Binomba nila ang ilang “air asset” ng mga ito sa Villamor Air Base, bilang babala na handa na silang lumaban at may puwersa na sila. Nang pumutok ang balita sa “air raid” na ito sa Villamor, isa-isa nang nagbabalik­taran ang mga PMA officer sa AFP at ‘yung iba ay personal pang nagsulputa­n sa Camp Crame.

Natapos ang buong magdamag sa pakiramdam­an – papasok na ang ikaapat na araw na wala pa ring uwian, liguan at palitan ng damit ang marami sa aming mga taga-media, samantalan­g mahabang standoff naman ang nagaganap sa pagitan ng magkabilan­g panig.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines