Balita

Ayaw magpautang, tinodas ng ka-live in

- Ni FER TABOY

Ipinaghara­p ng kasong murder ang isang lolo matapos umanong patayin ang live-in partner nito sa Calatrava, Negros Occidental, kamakailan.

Nasa kustodiya na ng Calatrava Municipal Police ang suspek na si Pedro Britanico, 79.

Si Britanico ang itinuturon­g pumaslang sa kinakasama­ng si Gerlie Lahao-Lahao, 28, sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Lemery ng nabanggit na bayan, nitong Huwebes.

Sinabi ni Calatrava Municipal Police chief, Chief Insp. Rockey Desear, bago ang insidente ay nag-away ang dalawa nang hindi umano pautangin ng biktima si Britanico.

Nadiskubre aniya ang krimen nang mapansin ng kanilang kapitbahay ang mga bahid ng dugo sa damit suspek habang ito ay umuutang sa kanilang lugar.

Bukod dito, nakitaan din ng mga sugat at kalmot sa katawan ang suspek.

Nang umuwi si Britanico, sinundan ito ng kapitbahay hanggang sa madiskubre­ng nakalibing na sa labas ng bahay ng suspek ang bangkay ng biktima.

Ayon sa mga awtoridad, hindi natabunan nang husto ang ilang parte ng katawan ni Lahao-Lahao, kaya’t nabisto ng mga kapitbahay ang krimen.

Narekober sa loob ng bahay ang dalawang dos-por-dos na kahoy na ginamit umano nito sa pamamaslan­g.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Britanico ang krimen at sinabing kaya niya lamang nagawa ito dahil hindi ito pinahirama­n ng pera ng biktimang tatlong taon na nitong kinakasama.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines