Balita

70-anyos, kulong sa tangkang pagdukot

- Mary Ann Santiago

Arestado ang isang matandang babae nang tangkain umanong dukutin ang dalawang paslit sa Barangay Jesus dela Peña, Marikina City, kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Gloria Payos, 70, na tubong Bulusan, Bicol.

Sa ulat ng Marikina City Police kay Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Bernabe Balba, inaresto ang suspek sa Malvar Street sa naturang barangay, bandang 5:00 ng hapon.

Kumakain ang unang biktima, 4-anyos na babae, sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang suspek at bigla umanong hinila ang bata.

Sa kabutihang palad, dumating ang ina ng biktima at nakitang hawak ng suspek ang biktima.

Tinanong ng ginang ang matanda kung ano ang ginagawa nito sa anak, ngunit umalis.

Nang makalayo, natiyempuh­an naman umano ng suspek ang ikalawang biktima, 2-anyos na babae, na naglalakad kasama ang tiyuhin nito, at nang malingat ang huli ay bigla umanong hinawakan ng matanda ang bata.

Pumiglas umano ang bata saka tumakbo sa kanyang ina.

Dahil dito, humingi ng tulong ang ginang sa mga nagpapatru­lyang tauhan ng Police Community Precinct 2 (PCP 2), na pinamumunu­an ni Police Senior Insp. Mauro Gerero, at inaresto ang suspek.

Kasalukuya­ng nakakulong si Payos sa Marikina Police, at kakasuhan ng Attempted Abduction in Relation to RA 7610 (AntiChild Abuse Law).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines