Balita

Ika-67 labas

- R.V. VILLANUEVA

UMAASA

si Leo na kusang mawawala rin ang mga tsismis tungkol sa kanyang asawa pagkalipas ng mga araw. Pero nagkamali siya. ‘Tila lalo pang umuugong ang tsismis. Kung kani-kanino na niya naririnig. Naroong harap-harapan na siyang pinariring­gan. Pero kahit nagagalit na rin siya, mas pinili pa rin niyang magtimpi at unawain ang mga ito.

Lalo pang nadagdag sa kumakalat na usap-usapan ang pag-iwas ni Ruel sa kanya. Mayroon palang nakakita sa kanila. At iyon nga, wala na raw duda, na totoo nga ang tsismis tungkol sa kanyang asawa. Na kung hindi lamang buo ang tiwala niya kay Minda, malamang na pinatulan na niya ang mga tsismis.

Pero kahit hindi siya naniniwala sa mga kumakalat na tsismis, naroon pa rin, gumugulo, ang mga agam-agam sa kanya. Lalo pa’t naramdaman niya ang pagbabago ng kanyang asawa. At takot nga ba ang nababasa niya sa mga mata nito? Ano ang ikinatakot nito?

ISANG araw, naistorbo ang kanyang pamamahing­a nang dumating ang kanilang tserman, kasama ang mga miyembro ng tagaTV.

“And’yan ba si Minda?” bungad ng tserman sa kanya.

Napatayo siya mula kinauupuan­g bangkong kawayan sa lilim ng punong Indian manggo. “Sa loob ho ng bahay,” aniya habang nagpalipat-lipat ng tingin sa mga kasama nito.

“Nandito kasi ang taga-TV. Gusto sana nilang mainterbyu ang ‘yong asawa.”

“Tungkol sa’n?”

“Kalat na kasi ang balitang nanganak ng ahas ang ‘yong asawa,” ang isang babaeng taga-TV ang sumagot. “Itatampok ho sana namin sa aming programa.”

“Hindi ako magpapaint­erbyu,” halos sabay silang napalingon nang lumabas ng bahay si Minda, bakas sa mukha nito na ‘tila hindi nagustuhan ang pagpunta ng taga- media.

“Bakit?” Nilapitan niya si Minda.

“Basta ayoko,” iling nito. “Pagpip’yestahan lang nila ako.”

“Hindi mo rin naman maitago dahil kalat na nga sa Facebook ang nangyari sa ‘yo, ‘di ba,” giit niya.

“’Yon naman pala, bakit pa nila ako iinterbyuh­in?”

“Me human interest ho kasi ang nangyari sa inyo, Ma’am,” magalang sa na sabad ng babaeng taga-TV. “Para maiparatin­g din natin sa mga manonood, na kahit sa panahon pala ng informatio­n age, me nangyayari pa palang gano’n.”

“At ano naman ang mapapala ko?”

“Marami ho kasing nagko- comment na gawa-gawa n’yo lang daw ho ‘yon,” sabi ng babae. “Nang sa gano’n po, masabi ninyo ang inyong panig.”

“Hindi!” mariing sabi ng kanyang asawa. “Kung ayaw nilang maniwala na nanganak nga ako ng ahas, hindi ko naman sila pinipilit. Hindi pa ba sapat ang litratong nakita nila. Basta hindi ako magpapaint­erbyu.”

“P’wede naman hong hindi natin ipapakita ang ‘yong mukha,” pamimilit ng taga-TV.

“Para maitago natin ang ‘yong pagkatao.”

“Kahit na,” iling ng kanyang asawa.

“Albularyo na lang ho siguro ang iinterbyuh­in namin,” pakli ng babaeng taga-TV. “Sa’n ho ba ang bahay ng albularyon­g nagpaanak sa inyo?”

“Kung puwede lang, h’wag na rin n’yong interbyuhi­n si Lolo Onyong,” sansala ng kanyang asawa. Sa tono ng boses nito, naroon ang tinitimpin­g galit. “Ayaw n’ya ho ng gano’n. At gusto na rin ho namin ang katahimika­n.”

Hindi nagkasundo ang taga-TV at ang kanyang asawa. Pero bago umalis ang mga taga-TV, binilinan niya ito.

“Susubukin ko pa rin hong kausapin ang asawa ko,” aniya. “Baka magbago pa ang isip niya.”

“Salamat,” sabi ng babae. “Tawagan mo na lang ako oras na pumayag ang misis mo.” Saka nito binigyan ng calling

card si Leo.

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines