Balita

Ika-71 labas

- R.V. VILLANUEVA

KAPWA tutok na tutok sina Leo at Minda pagpasok ng interbyu sa doktor. Hindi naka-blurred ang mukha ng doktor. Buong tiwala at tahasan nitong pinabulaan­an na mali ang ikinakalat na kuwento ng kanyang asawa. Wala raw taong may matinong pag-iisip ang maniniwala sa gayong gawa-gawang kuwento. Isang patunay raw na totoong buntis nga si Minda, ang resulta nga ng ultrasound. Hindi naman daw marunong mag-imbento ng resulta ang ultrasound. At kung paano nagkaroon ng ahas, wala raw ideya ang doktor kung saan nanggaling iyon. Basta sigurado ito, hindi iyon nanggaling sa sinapupuna­n ni Minda, at mas lalong hindi ahas ang ipinagbubu­ntis ng kanyang asawa. Dahil walang pag-aaral na kayang mabuhay ng ahas sa sinapupuna­n ng babae. Kaya tantanan na raw ang mga maling paniniwala na engkanto ang dahilan kung bakit nabuntis at nanganak ng ahas si Ester, patuloy pa ng host.

“Dapat kasi hindi mo na lang kinausap ang doktor, e,” nasa tinig ng kanyang asawa ang paninisi.

“Hindi ko naman alam na pati ang doktor, iinterbyuh­in nila,” katwiran niya. “Pati ang ilang kabarangay natin, akala ko, tayo lang ang iinterbyuh­in nila.”

s“Sana pala,” baling ng kanyang asawa sa TV. “Hindi na ako pumayag magpainter­byu, wala rin naman nangyari. Mukhang napasama pa yata. Ikaw kasi, e.”

“Hayaan mo na. Ang mahalaga, naipahayag natin ang panig natin.”

Isang malalim na buntong-hininga lamang ang naisagot ng kanyang asawa.

Natapos ang programang iyon na masama ang loob nilang mag-asawa. Alam din niyang buong barangay nila ay nakatutok sa panonood. At sigurado siya, malamang sa mga oras na ito, sentro ng usap-usapan ng bawat tahanan silang mag-asawa.

KINABUKASA­N, maaga pa’y nakatangga­p siya ng tawag mula sa kanyang kapatid na babae.

“Talagang nagpainter­byu pa kayo, a,” tila nanunuyang sabi ng kanyang asawa.

“Para maipahayag ang panig namin.”

“Sa tingin niyo ba, naniniwala ang mga nakapanood?”

“Wala na kaming pakialam kung maniniwala sila o hindi, ang mahalaga, naipakita naming hindi kami nagtatago, na totoo ang nangyari kay Minda.”

“Alam mo bang lalong naging viral sa Facebook ang asawa mo.”

Natigilan siya.

“At kung ano-anong masasakit na comment na ang sinasabi ng mga nakapanood.”

“Hayaan mo sila. Hindi naman nila kami makikilala.”

“Pero halos karamihan sa bayan natin, alam nilang kayo ‘yon.”

Hindi siya kumibo. Naghihinta­y ng susunod na sasabihin ng kanyang kapatid.

“Ewan ko ba sa ‘yo, Leo, hindi ko alam kung ano ang ipinakain sa ‘yo ng asawa mo at gano’n na lamang ang pagtatakip mo sa kanya.”

“Hindi ko siya pinagtatak­pan,” may bumabangon­g inis sa kanyang dibdib. “Sinasabi ko lang naman ang katotohana­n.”

“Alam mo, ikaw na lang yata ang naniniwala sa asawa mo,” napipika na rin ang kanyang kapatid. “Sabagay, asawa mo ‘yan. Sino ba naman kami nina inay at itay para pakinggan mo. Pero ang isipin mo, bigyan mo naman ng kahihiyan at dignidad ang sarili mo bilang lalaki.”

“Sige na, wala namang patutunguh­an ang pag-uusap nating ito.”

“Ganyan ka naman, kahit kelan naman, hindi ka nakikinig sa amin. Kahit noon pa man, di ba?”

Hindi siya kumibo. Napatiimba­gang na lamang siyang pinatay ang kanyang selpon kahit nagsasalit­a pa ang kanyang kapatid. Alam niya ang ibig tumbukin nito. Nais na naman nitong ipaalala ang nakaraan.

Noong panahong nagpaalam siya sa kanyang mga magulang na gusto na niyang pakasalan si Minda.

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines