Balita

R190-M shabu, nahakot sa loob ng 2 oras

- Calvin D. Cordova

Mahigit P190-milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang buy-bust operation sa Cebu City, sa loob lang dalawang oras, kahapon ng madaling-araw.

Unang naaresto ng mga operatiba ng Cebu City Police Office (CCPO) ang 24-anyos na si Elymar Ancajas, sa Barangay Inayawan, Cebu City, dakong 1:30 ng umaga.

Nakuha umano ng pulisya ang bulto ng shabu, na tumitimban­g ng 18 kilo, sa isang stockroom na gawa sa GI sheet.

Nakahalo sa ilegal na droga ang ilang piraso ng bawang, na ginamit umano upang hindi maamoy ng mga drug-sniffing dog ang droga na idinadaan sa mga pantalan, ayon kay Police Col. Royina Garma, hepe ng Cebu City Police Office (CCPO).

Sinabi ni Ancajas na ang trabaho lang niya ay i-deliver ang mga ilegal na droga, na nasa P6,800 kada gramo ang presyuhan—kaya aabot sa halos P122 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiska­ng droga.

Ayon naman kay Police Regional Office (PRO)-7 Director Brigadier General Debold Sinas, natunton nila si Ancajas matapos na maaresto ang isa pang drug suspect.

“A drug suspect was arrested by the operatives of the Pardo Police Station last week. He yielded two kilos of shabu and he identified Ancajas as the source of the illegal drugs,” ani Sinas.

Sa interogasy­on, isiniwalat ni Ancajas ang pagkakakil­anlan ng kanyang supplier na si Jocelyn Encila, ng Bgy. Casili, Consolacio­n, Cebu.

Bandang 3:00 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya at nakorner si Encila, na naka-confine sa isang ospital dahil sa lagnat at diarrhea.

Sa pakikipagt­ransaksiyo­n ng poseur buyer kay Encila, sinabi niyang kuhanin sa kanyang bahay ang droga, kung saan mga magulang ng suspek ang nag-abot umano ng droga.

Isang itim na plastic bag na may 10 kilo ng hinihinala­ng shabu, at tinatayang nagkakahal­aga ng P68 milyon, ang nakumpiska umano sa mag-asawang Marcial at Marilyn Encila.

Dinala na sa istasyon ng pulis ang mag-asawang Encila, habang nakahospit­al arrest ang kanilang anak.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines