Positibong disiplina
KAPANALIG, isa sa mga ikinalulungkot ng mga advocates ng positive discipline sa ating bansa ay ang pag-veto ng ating Pangulo sa inihaing anti-corporal punishment bill.
Marahil marami sa ating mga pamilya sa bansa ang hindi pamilyar sa positibong disiplina. May mga nagsasabi na ito ay masyadong maluwag at pabayang pagpapalaki ng anak. May mga nagsasabi na ito ay mali, at ang pagdidisplina sa anak ay hindi madadaan sa usapan lamang.
Kapanalig, ang positive discipline ay matagal nang konsepto. Marahil, marami ang hindi gumagawa nito dahil marami ang hindi tunay na nakauunawa rito at marami rin ang ‘di bukas sa naturang usapin.
Ayon sa UNICEF, ang positibong disiplina ay ang pagtuturo ng angkop na pag-uugali sa mga bata sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila sa maigting pero mapagmahal na paraan. Ang mga magulang na gumagamit ng positibong disiplina ay nais na tulungan ang kanilang anak na kumilos nang angkop o tama sa pamamagitan ng pagtuturo, pag-unawa, at “encouragement”, o pagbibigay ng lakas ng loob at suporta. Marami sa atin, kinakasing-kahulugan ang disiplina sa parusa. Sa positive discipline, ang disiplina ay hindi parusa. Ito ay paraan ng pagtuturo sa mga bata nang tama gamit ang marespeto at mapayapang mga paraan.
Sa ating bansa, nakita ng Council for the Welfare of Children at ng UNICEF sa isang pag-aaral na walo sa sampung bata ang nakararanas ng karahasan, at kadalasan ay sa bahay nila ito nadarama. Kadalasan, napapalo sila gamit ang kamay, narolyong papel, o maliit na kahoy. Marami sa kanila ang nasabunutan, nakurot, at napingot. Nakita rin ng pagaaral na ang mga tahanan, na kung saan ang mga bata ay nakararanas ng marahas na disiplina ay dulot ng tinatawag na ”toxic trio” na bumabagabag sa mga magulang: Ang financial stress, substance abuse, at karanasan din ng marahas na pagdidisiplina noong bata.
Kapanalig, maaaring matapos na ang cycle of violence sa ating mga tahanan kung bibigyan natin ng pagkakataon ang positive discipline. May batas man o wala, tayo mismo, sa ating mga tahanan, ay maaaring simulan ito.
Ang ating mga anak ang pinakamahalagang kayamanan natin sa mundo. Ang pananakit para sila magtanda ay hindi tama. Kahit kailan, ang sapilitang pagpapasunod sa tao gamit ang pananakot at pananakit ay hindi epektibo. Hindi nito nababago ang masamang ugali, bagkus binibigyan lamang sila ng anxiety at trauma. Liban pa rito, kadalasan, ang marahas na pagdidisplina sa anak ay hindi dahil nagkakamali ang bata, ito ay karaniwang dahil stressed tayo.
Kapanalig, maaari nating gawing kanlungan ng tunay na kapayapaan ang ating mga tahanan sa pamamagitan ng positibong pagdidisiplina. Ang pagpaprayoridad sa tunay na pangangailangan ng bata ay sukatan ng hustisya sa isang lipunan, ayon sa Laudato Si.
Kung ang pamilya, ang batayang unit ng lipunan, ay nananakit ng anak para lamang sumunod, bakit pa tayo magtataka sa karahasan sa ating mundo ngayon?