Simula na ng Lenten Season o Kuwaresma
NAGSIMULA na ang Lenten season o panahon ng Kuwaresma. Inihudyat ang pagsapit ng Kuwaresma nang isagawa ang Ash Wednesday o Miercoles de Ceniza nitong Marso 6, 2019. Naging tampok na ritwal sa mga simbahan ang pagsisimba ng mga mananampalataya at ang pagpapahid ng abo sa noo na mula sa sinunog na mga palaspas noong isang taon.
Ang paglalagay ng tanda ng krus na abo sa noo ay sinimulan at pinahintulatan ni Papa Celestino noong taong 1191. Sa nakalipas na mga panahon, ito ay itinuring na isang alamat at naging kaugaliang Kristiyano.
Ang Kuwaresma ay ang paggunita sa huling 40 araw na ministry o pangangaral ni Kristo bago ang naganap ang pagliligtas Niya sa kasalanan ng sangkatauhan, na ang katumbas ay ang Kanyang kamatayan sa krus. Ang Lenten Season ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos, pangingilin, pag-aayuno, pagkakawanggawa at paglilingkod sa kapwa tao.
Ang Ash Wednesday, tulad ng Biyernes Santo, ay araw ng fasting o pag-aayuno at abstinence o ang hindi pagkain ng karne na dapat sundin at gawin ng mga Kristiyanong Katoliko. Exempted o libre ang mga senior citizen at ang mga maysakit o karamdaman sa kaugaliang ito.
Ang paglalagay ng tanda ng krus na abo sa noo ay may dalawang pormula. Ang una ay ang pagsasabi ng pari ng mga salitang “Memento homo quia pulvis est, et in pulverem revertaris” o “tandaan mo tao na sa alabok ka nagmula kaya sa alabok ka rin magbabalik”. Ang nasabing mga salita ang ginagamit noon sa mga simbahan na nagpapagunita ng wakas ng tao o kamatayan.
Sa binagong liturhiya ng simbahan, ang nasabing salita ay pinalitan ng mga salitang “lumayo ka sa kasalanan at sumamplataya sa Ebanghelyo”. Ang nasabing mga salita ang binibigkas ng pari at mga lay minister sa pagpapahid ng abo sa noo ng mga mananampalataya. Layunin nito na bigyang-diin ang paanyaya sa buhay na moral ng tao kaysa makalupang wakas ng tao -- ang kamatayan na itinuturing at tinatanggap na paniniwala at katotohanan.
Ang tanda ng krus sa noo ay simbolo o sagisag na ang tao ay kasama ni Kristo na namatay sa krus. Katulad din ito ng espirituwal na tanda o marka na inilalagay sa noo ng mga Kristiyano kapag binibinyagan upang iligtas sa pagiging alipin ng kasalanan at ng kasamaan, at maging alagad ng kabutihan at ni Kristo.
Ayon kay Saint Pope Paul II, ang ritwal ng paglalagay ng abo sa noo ay nag-aanyaya sa lahat na magnilaynilay sa tungkulin ng pagbabalikloob at sa paggunita sa ‘di mapigil na kahinaan ng tao na sakop ng kamatayan. Humihimok sa atin na gawin ang lahat para maitatag ang kaharian ng Diyos sa ating kalooban at magtagumpay ang Kanyang katarungan.
Ang Lenten Season ay paggunita rin sa mga hirap, sakit at kamatayan ni Kristo at isa ring panawagan para sa pagbabayad ng sala sa mga maling gawain. Ang diin o bigat ay hindi lamang sa pag-aayuno kundi nasa pagtulong at pagkakawanggawa, at sa mas pinatingkad na pag-ibig sa ating kapwa.
Ayon naman kina San Ambrosio at San Basilio, dapat na mabatid na ang ipinagkakait sa pag-aayuno ay kailangang ipagkaloob sa mga mahirap. Ang tinapay na ‘di kinain ay tinapay ng mga nagugutom. Ang mga damit sa aparador na hindi ginagamit ay damit ng mga walang maisuot. Ang salaping inaaksaya ay salapi ng mga mahirap at ang kawanggawa na hindi tinutupad ay isang inhustisya o kawalang katarungan.
Kaugnay ng pagsapit ng Ash Wednesday, simula na sa mga lalawigan ang pagbuhay sa mga tradisyong Pilipino na ginagawa tulad ng “Pabasa”, “Via Crucis o Way of the Cross” sa mga simbahan, ang Pagbasa ng Pasyon at iba pang natatanging tradisyon at kaugalian na kaugnay ng Lenten Season at ng Mahal ng Araw.