Aces, asam makahirit ng playoff
Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Magnolia vs. Columbian Dyip 7:00 n.h. -- NLEX vs Alaska
PALAKASIN ang tsansa na makahabol sa top 2 para sa pinag-aagawang twice to beat incentive sa playoffs ang tatangkain ng Alaska sa pagsagupa sa NLEX sa tampok na laro ngayong gabi ng 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Galing sa 86-103 kabiguan sa kamay ng Magnolia nitong Sabado sa larong idinaos sa Antipolo, sisikaping makabawi ng Aces upang umangat mula sa kinalalagyang 6th spot taglay ang patas na markang 3-3.
Kung makakabalik ng winning track, tatabla rin ang Aces sa ikalimang puwesto sa Barangay Ginebra na may kartadang 4-3, may tatlong panalo ang pagkakaiwan mula sa pumapangalawang Rain or Shine (7-3).
Nanganganib namang hindi umabot ng playoffs, nasa must win situation ang katunggali nilang Road Warriors na magtatangkang makaahon mula sa natamong dalawang sunod na kabiguan, pinakahuli sa kamay ng defending champion noong Biyernes,111-121 sa Big Dome na nagbaba sa kanila sa kartadang 2-5.
Ganap na 7:00 ngayong gabi ang tapatan ng Aces at Road Warriors pagkatapos ng unang sagupaan sa pagitan ng Magnolia at Columbian Dyip.
Kapwa naghahangad na makapasok ng playoffs, magtutuos ang Hotshots ,(2-4) at ang Dyip (4-5) ganap na 4:00 ng hapon.
Tatangkain ng Hotshots gayundin ng Fyip na mawalis ang mga nalalabi nilang laro sa eliminations upang makatiyak ng pag-usad sa quarterfinals kaya naman inaasahan ang kanilang umaatikabong bakbakan.
“Pinag-usapan na namin to consider all our remaining games as do-or-die matches. It’s practically playoffs already for us,” pahayag ni Hotshots big man Ian Sangalang na nagposte ng mga game-high 24 puntos, 14 rebounds at 6 assists sa nakaraang panalo nila kontra Aces.
“Wala ng pagbabago sa mindset namin. But we’ll take it one game at a time. Our focus now shifts to our next game against Columbian Dyip Wednesday,” aniya,
Sa kabilang dako, pagsisikapan naman ng Dyip na maipanalo ang natitirang dalawang laro.
“We’re in a pretty good position with two games left,” ani Dyip guard Rashawn McCarthy. “I think if we get one out of the two, we should be in, but hopefully we could win both.”
Ngunit upang magawa ito, kinakailangang mag-step-up hindi lamang sila ni top pick CJ Perez kundi lahat ng kanilang teammates.
“We need everyone to step up in our last two games if we intend to advance to the next round.”