Tubig sa La Mesa, nasa pinakamababa na
Bumababa ang tubig sa Angat Dam, at kung magtutuluy-tuloy ito, posibleng gaya ng La Mesa Dam ay umabot na rin sa critical level ang tubig sa isa pang nagsusupply ng tubig sa Metro Manila at sa maraming irigasyon sa Luzon.
“If the water level of Angat Dam continued to drop, it might reach to its critical level, kasi mabilis na bumaba ang level ng tubig sa dam dahil heavily silted na, at madami nang nawala na mga century old trees at mayroong mga nabulok na troso sa ilalim ng reservoir,” sabi ni Bulacan Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado.
Kahapon, bandang 8:00 ng umaga, ay nasukat sa 199.06 metro ang tubig sa Angat, mula sa 199.92 metro nitong Miyerkules. Ang critical level ng Angat ay 180 metro.
Ang Angat Dam ang nagsu-supply ng tubig sa mga costumer ng Maynilad, at pinagkukuhanan ng irigasyon ng Bulacan at Pampanga.
Minsan pang iginiit ni Alvarado na nangangailangan ng malawakang dredging ang reservoir ng 51-anyos na dam.
Tinukoy ang naunang report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabi ni Alvarado na kabilang ang Bulacan sa 21 lalawigan sa Luzon na makararanas ng dry spell sa huling bahagi ng buwang ito hanggang sa buong Abril.
Kasabay nito, patuloy sa pagkaunti ang tubig sa La Mesa Dam, at kahapon ay naitala na ang pinakamababang level nito sa nakalipas na 21 taon, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni Sonia Serrano, PAGASA hydrologist, na mula sa 68.79 metro nitong Miyerkules ay bumaba pa sa 68.74 metro ang water level sa La Mesa kahapon—ang pinakamababa simula nang maitala ang 68.75 metro noong 1998, kasagsagan ng pinakamatinding El Niño na tumama sa bansa.
Sinabi naman kahapon ng PAGASA na walang inaasahang pag-uulan sa bansa sa susunod na mga araw dahil na rin sa umiiral na El Niño.