Balita

Brazil: 2 estudyante namaril, 10 patay

-

SUZANO, Brazil (Reuters) – Dalawang dating estudyante ang namaril sa isang paaralan sa Brazil nitong Miyerkules at pinaslang ang limang teenagers at dalawang opisyal ng paaralan bago nagpakamat­ay, sa pag-atake na ginaya ang 1999 Columbine massacre sa United States.

Bago pumasok sa Raul Brasil school sa Suzano malapit sa Sao Paulo, ang mga dating estudyante na may edad 17 at 25 taon gulang ay binaril at napatay ang tiyuhin ng nakababata­ng suspek na may-ari ng car rental agency na pinagnakaw­an nila ng isang sasakyan.

Sampung katao, kabilang ang dalawang suspek, ang namatay sa kabuuan, sinabi ng Sao Paulo police. Karamihan sa mga namatay na estudyante ay mga lalaki na nasa edad 15 at 16-anyos.

Kinilala ng pulisya ang mga salarin na sina Guilherme Taucci Monteiro, 17, at Luiz Henrique de Castro, 25. Ang 17-anyos ang lider at main planner, ayon sa mga imbestigad­or.

Sampu pang katao, karamihan ay mga batang mag-aaral, ang binaril at nasugatan, at ang ilan ay nasa malubhang kalagayan, ayon sa pulisya.

Ayon sa pulisya, gumamit ang mga salarin ng isang .38 caliber pistol at speed loaders, gayundin ng crossbow, patalim, at ilang Molotov cocktails.

Walong minuto nang magsimula ang pamamaril, dumating ang mga pulis, ngunit patay na ang dalawang suspek. Ayon sa mga imbestigad­or may usapan sila na magpakamat­ay sa pag-atake. Iniulat na sa halip harapin ang mga awtoridad, binaril ni Monteiro sa ulo si Castro, at sunod na binaril ang kanyang sarili.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines