800K bata, nabakuhan kontra tigdas
BINAKUNAHAN ng Department of Health (DoH)- 4-A ang kabuuang 862,237 bata sa rehiyon, alinsunod sa pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa tigdas.
Ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit, ang bilang ay katumbas ng 50.9 porsiyento ng target na bilang ng mga mag-aaral na dapat mabukanahan.
Sa isang pahayag, inihayag ng DoH Calabarzon na 235,604 na bata ang nabakunahan sa Cavite; 214,253 sa Rizal; 189,433 sa Laguna; 114,049 sa Quezon; at 108,898 sa Batangas.
Sinabi rin ni Regional Director
Eduardo Janairo na ginagawa ng DoH ang makakaya nito para maabot ang mga batang naninirahan sa mga liblib na lugar at sa mga kabundukan.
“Vaccination teams in malls, fast-food chains, schools, house-to-house campaigns and fixed immunization posts in barangays (villages) continue to provide measles containing vaccine to children from six months up to six years old,” dagdag pa niya.
Upang masiguro ang tagumpay ng immunization campaign, nagpadala ang kagawaran ng 229 na nurse sa iba’t ibang munisipalidad sa rehiyon noong Marso 1 sa ilalim ng Nurse Deployment Program
(NDP).
Ang NDP ay isa sa mga programa sa ilalim ng DoH Human Resource, na taunang nagha-hire at nagpapadala ng mga nurse, doktor, dentist, komadrona, medical technologist, pharmacist at iba pang health worker sa malalayo at mga liblib na lugar, lalo na sa mga mahihirap na komunidad, nang sa gayon ay malunasan ang kakulangan ng mga health worker sa nasabing mga lugar.
Binigyang-diin din ni Janairo na ang bakuna sa tigdas ay isa sa mga pinakaligtas at ang natatanging proteksiyon ng tao laban sa measles virus na “we can provide to our children.”
“It has already saved countless of lives since it was introduced to the public in July of 1979 through the DOH Expanded Immunization Program. For parents with six months to six years old unvaccinated children, bring them to the nearest health center for them to receive the measles vaccine. It is safe and it is free,” dagdag pa niya.