Balita

Ika-83 labas

- R.V. VILLANUEVA

MAY sundot sa dibdib ni Leo ang sinabi ni Brix.

“Hello, Leo,” ‘tila naalimpung­atan pa siya nang magsalita sa kabilang linya si Brix.

“A, oo, pasens’ya na, me kinuha lang ako,” pagsisinun­galing niya. “Kung me panaginip man na nagkatotoo sa tunay na buhay, malamang na nagkataon lang ‘yon.”

“Grabe namang pagkakatao­n ‘yon, halos pareho sa panaginip mo ang nangyari sa misis mo?” “Nagkataon nga lang,” giit niya. “E, anong balak mo talaga?” “Gusto ko na talagang bumalik sa trabaho, kaso inaalala ko si misis. Ayaw kong mag-isa niyang harapin ang mga ipinupukol na tsismis sa kanya. Gusto ko na nga siyang ilayo sa dito sa amin.”

“At saan mo naman dadalhin?” “Balak kong dalhin d’yan.” “O, ‘yon naman pala, e, bakit nagdadalaw­ang-isip ka pa?”

“Alam mo naman, mahirap ang buhay d’yan. Lalo pa’t palipat-lipat tayo ng destino. At isa pa, paano kung biglang wala tayong makuhang project.”

“Mahirap nga ‘yon, pero kung ‘yon lang naman ang paraan para manahimik kayo at malayo sa mga tsismis d’yan.” “Pinag-iisipan ko ngang mabuti.” “Baka naman misis mo ang ayaw pumunta rito?”

“Gusto nga niya, nagtatampo nga siya dahil madalas ko raw siyang naiiwan.”

“Naku,” ‘tila nanunudyo uling turan ni Brix. “Mahirap ‘yang tampotampo na ‘yan, baka mam’ya, tuluyan siyang magtampo sa ‘yo, sige ka, ikaw rin,” makahuluga­ng dugtong nito at sinundan ng pilyong tawa.

Muli siyang natigilan. Matagal na nawalan ng imik.

“Biro lang, pare,” pagkuwa’y paumanhin ni Brix. “Niloloko lang kita. O, sige na, text mo na lang ako oras na pabalik ka na.”

“Sige, sisikapin kong makabalik sa trabaho, bahala na.”

Ibinulsa niya ang hawak na selpon pagkapatay. Pagpihit niya, ikinagulat pa niya nang mapagtanto­ng naroon ang kanyang asawa. Sa ayos nito, ‘tila matagal na ito sa kanyang likuran, marahil, pinakiking­gan ang usapan nila ni Brix.

“Babalik ka na pala,” bakas ang tampo sa tinig ng kanyang asawa. Napahaluki­pkip ito. Ibinaling ang tingin sa ibang direksiyon.

“Kelangan,” aniya. “Tumawag si Foreman, pinababali­k na niya ako sa susunod na linggo. At oras na hindi ako makabalik, tatanggali­n na niya ako sa trabaho.”

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?” Hindi pa rin nawawala ang tampo sa tinig nito.

“Katatawag pa lang naman ni Foreman, bago ko tinawagan si Brix.”

“Alam na ba nila ang nangyari sa akin? Napanood ba nila sa TV?” Nawala ang tampo sa tinig nito.

“Hindi,” iling niya. “Mabuti naman.”

“Pero ikinuwento ko ke Brix.” “Ano?” Nagsalubon­g bigla ang kilay ng kanyang asawa. Inalis ang paghahaluk­ipkip. “Ipinagkaka­lat mo ako?”

“Mapagkakat­iwalaan naman si Brix. At isa pa, hindi nga siya naniniwala, e.”

“Pero hindi mo dapat sinabi. Baka kung ano-anong iisipin no’n, na kesyo ganito, na baka gawa-gawa ko lang ‘yon, tapos ipagkakala­t niya sa mga kasama mo.”

“Bakit ba lagi ka na lang defensive? ‘Di ba, totoo naman talagang nanganak ka ng ahas, bakit parang takot at nag-aalala kang malaman nila? Bakit iniisip mo agad na baka mag-isip sila ng kung ano-ano, e totoo naman ang nangyari sa ‘yo? Bakit me iba pang nangyari sa ‘yo na puwede nilang isipin?”

Hindi umimik ang kanyang asawa. Umilap ang tingin sa kanya.

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines